Ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ‘open late, close late’ sa mga mall sa Metro Manila simula sa Nobyembre 28 upang maibsan ang suliranin sa trapiko dahil sa Christmas rush.
Ito ay matapos pumayag ang mga operator ng mall sa Kamaynilaan sa ipinatawag na pulong ni MMDA chairman Francis Tolentino para ilatag ang mga panukalang oras ng mga magiging operasyon ng establisimiyento.
Ayon kay Tolentino, napagpasyahan ng nakararaming operator, na tulad ng SM Malls, Ayala Malls, Robinsons, Lucky Chinatown, Waltermart, Fisher Mall, Shangri-La Malls, Araneta at iba pa ang pagbubukas ng kanilang establisimiyento ng 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi na ipaiiral na sa Nobyembre 28 at tatagal naman sa Enero 3, 2015.
Magpapatupad din ng ibang operating hours ang mga mall sa Disyembre 24, 25, 31 at Enero 1. Nakatakdang sumulat ang MMDA chief sa pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) na palawigin din ang biyahe ng kanilang mga tren dahil sa pagbabago ng operasyon ng mga mall sa Metro Manila.
Pakikiusapan din ni Tolentino ang mga operator ng pampublikong sasakyan, partikular sa jeep at bus, na itugma ang nasabing operating hours para hindi naman mahirapan sa pagsakay pauwi ang mga empleyado o kawani ng mga mall.
Magpapakalat din ito ng sampung MMDA personnel at mga pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa bawat mall sa Kamaynilaan bilang ayuda sa mga guwardiya rito bilang pagtiyak sa seguridad ng publiko ngayong Christmas season.
Sasailalim din ang mga security guard sa traffic management training na karagdagan sa pagmamando ng trapiko sa mga lansangan na tapat ng pinagtatrabahuang mall.