Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga bilanggo mula sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City na makakadaupang-palad nila si Pope Francis sa sandaling bumisita ito sa bansa sa Enero 15-19, 2015.

Ito’y sa kabila ng nailabas na ang official itinerary ni Pope Francis sa pagdalaw nito sa Pilipinas.

Ayon kay Fr. Bobby dela Cruz, ng Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila, umaasa pa rin ang mga bilanggo ng NBP partikular ang nasa maximum security, na magbibigay ng panahon si Pope Francis na masilip sila kahit sandali.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ng pari na malaking bagay sa mga preso na madalaw ng Papa lalo pa karamihan sa kanila ay hindi na nabibigyan ng panahon ng kanilang mga kamag-anak.

Sa ganitong paraan aniya ay muling mag-aalab ang pananampalataya ng mga bilanggo at ang pag-asa sa kanilang buhay sa kabila ng pagkakapiit.

“Nakahanda sila, mayroon nga silang t-shirt ni Pope Francis, hindi natin masasabi, malay mo may sorpresa ang Papa,” pahayag ni Dela Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.

Matatandaan na una nang lumiham ang mga preso kay Pope Francis noong Setyembre 26 sa pamamagitan ni Papal Nuncio to the Philippine Archbishop Giuseppe Pinto at hiniling na madalaw sila ng Papa.

Ilan sa mga piitang dinalaw ng Papa ang Cassano All’llonio sa Calabria Italy, at sa nakaraang Huwebes Santo ay hinugasan nito ang paa ng 12 bilanggo sa Casal del Marmo Prison for Minors sa Roma.