Inihayag kahapon ng Malacañang na hindi magbibigay ng kompensasyon ang gobyerno sa mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre.

Binigyang-diin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang posisyon ng administrasyon sa nasabing usapin sa bisperas ng ikalimang anibersaryo ng pagpaslang sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, noong Nobyembre 23, 2009.

Sinabi ni Valte na una nang nilinaw ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang posisyon nito sa usapin dahil mangangahulugan ito na ang “government gave, or at least gave its blessing” sa krimen.

“And, I think, the President was specifically clear on his position on that,” sinabi ni Valte sa panayam ng DZRB kaugnay ng nasabing panawagan ng Center for International Law (CenterLaw) Philippines.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiit ni CenterLaw Chairman Harry Roque Jr., na abogado rin ng mga pamilya ng mga biktima, na batay sa international law ay dapat na bayaran ng gobyerno ang mga naulila ng mga biktima.

Sinabi naman ni Valte na ginagawa ng Ehekutibo ang lahat ng paraan upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima.

“Again, the executive branch is not the only branch in play here into the case, and we can assure you that our efforts have been concentrated on pushing the case forward,” aniya.

Sinabi rin niyang tinututukan din ng gobyerno ang kapakanan ng mga saksi sa massacre kahit pa tinambangan at napatay kamakailan ang isa sa mga testigo na si Dennis Sakal sa Shariff Aguak. - JC Bello Ruiz