CAMP OLIVAS, Pampanga – Sa loob lang ng halos 12 oras ay naaresto na ng mga operatiba ng San Simon Municipal Police ang 28-anyos na suspek sa pagnanakaw at brutal na pagpatay sa isang mag-ina kasunod ng maigting na pagtugis ng pulisya sa Apalit, Pampanga, noong Biyernes ng hapon.

Sa isang eksklusibong panayam, sinabi ni Chief Insp. Michael John Riego, hepe ng San Simon Police, ay kinilala niya ang suspek na si Mark Louie Santos Pangan, alyas “Macmac,” ng Purok 6, Barangay Cansinala, Apalit.

Sa kanyang ulat kay Senior Supt. Rodolfo Recomono Jr., direktor ng Pampanga Police Provincial Office (PPPO), sinabi ni Riego na positibong kinilala si Pangan ng mga saksi bilang may suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa mag-inang sina Jovita Salon, 35; at Carl Christian Salon, 9.

Sinabi ni Riego na si Pangan ay bayaw ng kapatid ng biktima “kaya madali siyang nakilala ng dalawang batang witnesses na ang tawag pa sa kanya ay Kuya Macmac”.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Batay sa salaysay ng mga testigo, isang 11-anyos at isang 15-anyos na parehong pamangkin ni Jovita, naulinigan nila ang sigaw ng paghingi ng saklolo ng kanilang tiyahin mula sa silid nito dakong 4:00 ng umaga noong Biyernes. Nang sumilip sila sa kuwarto ay nakita umano ng mga bata ang kanilang “Kuya Macmac” habang tumatakas mula sa terrace ng ikalawang palapag at nang tinangka nitong lapitan sila ay nagtakbuhan sila pabalik sa kanilang silid at ikinandado ito.

Bukod sa salaysay ng dalawang menor de edad, sinabi rin ng dalawa pang saksi—sina Ramon Yumul, 57; at Martin Francisco, 42, kapwa kapitbahay ng mga biktima, na nakita nila si Pangan na tumatalilis mula sa bahay ng mga biktima hanggang sa makasakay ng tricycle.

Sinabi rin ni Riego na hindi pumalag ang suspek nang arestuhin ng mga pulis, pero halatang tensiyonado at takot ito. “Naiiyak siya at mukhang nakokonsensya sa kanyang ginawa,” ani Riego.

Sinabing posibleng pinagnanakawan ni Pangan ang bahay nang magising ang mag-ina, idinagdag pa ni Riego na kapwa namatay ang mga biktima sa pagkabasag ng bungo at may tama rin ng matigas na bagay sa mukha at bibig.

“Kaawa-awa ang sinapit ng mag-ina sa kamay ng suspect dahil basag ang bungo at wasak ang mukha ng dalawa at halos hindi na makilala sa lakas ng palo,” sabi ni Riego.

Aniya, tinangay ng suspek ang mga alahas, pera, ATM card at iba pang mahahalagang bagay mula sa bahay ng mga Salon.