Ginulat ng Sealions ang dating walang talong Siargao Legends sa overtime, 108-102, para maagaw ang unang puwesto sa Group B sa pagtatapos ng elimination round ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament noong Martes ng gabi sa Marikina Sports Center sa Marikina City.

“Hindi namin ine-expect na magnumber one kami dahil malakas nga ‘yung kalaban. Akala nga namin wala na kaming pag-asa pero naka-tres ng dalawa si Maeng Junio. Sana magtuluytuloy na ang momentum namin,” sinabi ni Sealions assistant coach Egay Billones patungkol sa magkasunod na three-point shot ni Junio na nagbigay sa 104-102 kalamangan sa Sealions sa overtime.

Nanguna naman para sa Sealions si Egay Billones na kumulekta ng 36 puntos, 8 rebounds, 6 assists at 4 steals. Naibuslo rin niya ang huling dalawang free throws para selyuhan ang panalo.

“Basketball iyan. Kahit sinong malakas na team natatalo pero ganoon talaga, they (Sealions) played well, maganda talaga ‘yung nilaro,” ayon kay Legends head coach Ronjay Enrile. “Pero kahit natalo kami nandoon pa rin kami.”

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Winalis naman ng nagdedepensang kampeon na Hobe-JVC ang Group A matapos na itakas ang 86-81 panalo laban sa Uratex Foam sa isa pang laro sa ligang itinataguyod ni Marikina Mayor Del De Guzman.

Si Jeff Sanders ay umiskor ng 16 puntos at si Mike Warmes ay nagdagdag ng 15 para sa Hobe-JVC. Sa pagbubukas ng do-or-die quarterfinals 1 ngayon, kakalabanin ng Uratex Foam ang Kawasaki-Marikina at makakasagupa ng Supremo Lex-Builders ang Philippine National Police sa Group A.

Bukas naman magtatagpo ang Team Mercenary at MBL Selection sa unang laro at ang FEU-NRMF at Cars Unlimited sa ikalawang laban.

Ang taunang torneo ay suportado rin ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PSBank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental, at Tutor 911.