Kapwa umaasa ang prosecution at defense panel na ilalabas na ng Sandiganbayan First Division sa Lunes ang desisyon nito sa bail petition na inihain ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. at ng dalawang kapwa akusado sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.

“I hope by Monday meron na,” inihayag ni Revilla sa media.

Samantala, umaasa rin ang senador—na kasalukuyang nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, na papaboran ng First Division ang kanyang petisyon upang makapagpiyansa bagamat ang plunder ay isang non-bailable offense.

Tinapos na ng prosekusyon at depensa ang presentasyon ng kani-kanilang ebidensiya at argumento hinggil sa petisyon ni Revilla at mga kapwa nito akusado upang makapagpiyansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang sa mga kinasuhan ng plunder si Atty. Richard Cambe at ang tinaguriang “utak” ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.

Si Cambe ay nakapiit sa PNPCustodial Center habang si Napoles ay nakadetine sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Tulad ni Revilla, naniniwala rin si State Prosecutor Joefferson Toribio na sa Lunes din ipalalabas ng First Division ang desisyon nito sa bail petition ng mga akusado.