Nagpalabas ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng red tide warning sa Masbate, Pangasinan, Bataan at Iloilo matapos na magpositibo sa red tide toxin ang shellfish na hinango mula sa nabanggit na mga lalawigan.
Ayon sa BFAR, batay sa huling pagsusuri, ang shellfish mula sa karagatan ng Milagros sa Masbate; Alaminos, Wawa at Bani sa Pangasinan; Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Orani, Abucay at Samal sa Bataan; at Gigantes Islands sa Carles , Iloilo, ay “still positive from paralytic shellfish poison that is beyond the regulatory limit.”
Pinayuhan ng ahensiya ang publiko na ang lahat ng uri ng shellfish o alamang mula sa nabanggit na mga lugar ay “not safe” para kainin ng tao.
“Ang isda, pusit, hipon at alimango ay puwedeng kainin kung sariwa at maayos ang pagkakalinis, gaya ng naalis nang mabuti ang lamang-loob, bago lutuin,” anang BFAR.
Samantala, wala namang red tide toxins sa ilang lugar sa paligid ng Manila Bay, kabilang ang baybayin ng Cavite, Las Piñas, Parañaque, Navotas at Bulacan.
Wala ring red tide sa karagatan ng Bolinao, Anda at Sual sa Pangasinan; Masinloc Bay sa Zambales; Mandaon sa Masbate; Juag Lagoon sa Matnog at Sorsogon Bay sa Sorsogon; Honda at Puerto Bays sa Puerto Princesa City; at Inner Malampaya Sound sa Taytay, Palawan. - Ellalyn B. De Vera