Uumpisahan ng reigning women’s champion Ateneo de Manila University (ADMU) ang kanilang kampanya para sa hangad na back-to-back championship sa pagsagupa nila ngayon sa National University (NU) sa pagbubukas ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hindi halos nabago ang line-up ng nagkampeon noong nakaraang taon, makakasagupa ng Lady Eagles, muling pangungunahan ng reigning league MVP na si Alyssa Valdez, ang Lady Bulldogs sa ganap na alas-4:00 ng hapon. Una nang nagtunggali ang dalawang koponan noong nakaraang taon sa stepladder semifinals.

Pagkakataon naman ng Lady Bulldogs, pamumunuan naman ng kanilang top hitter na si Jaja Santiago, na makaganti sa nalasap nilang pagkabigo sa Lady Eagles noong nakaraang taon kung saan ay dalawang beses silang tinalo ng mga ito upang makarating sa finals kontra sa outright finalist at noo’y defending champion La Salle Lady Spikers.

Bukod kay Valdez, aasahan pa rin ng kanilang “dancing Thai coach” na si Anusorn Bundit sina Michelle Morente, Jia Morado, Kim Gequillana, Amy Ahomiro at libero Denden Lazaro.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Tiyak ding makatutulong ng malaki sa koponan ang pagpasok ng rookie at dating Poveda standout na si Bea de leon.

Sa pagkawala ng ace hitters na sina Dindin Santiago at Mina Aganon, maiiwan para ipagpatuloy ang kampanya ng Lady Bulldogs na makamit ang asam na unang titulo sa liga matapos silang huling magkampeon noong 1956, sina Myla Pablo, Rizza Mandapat, Ivy Perez, ang nagbabalik mula sa ACL injury na si Aiko Urdas at ang rookie na si Jorelle Singh.

Una rito, magtutuos ang University of Santo Tomas (UST) at ang University of the East (UE) sa ganap na alas-2:00 ng hapon matapos ang men’s division na magtatampok sa labanan ng defending back-to-back champion NU Bulldogs at Adamson Falcons sa ganap na alas-8:00 ng umaga na susundan ng salpukan ng nakaraang season runner-up na Ateneo Blue Eagles at Far Eastern University (FEU) sa ganap na alas-10:00 ng umaga.

Samantala, magpapatuloy ang aksiyon kinabukasan sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City kung saan magtatapat ang FEU Lady Tams at UP Lady Maroons sa women’s division sa ganap na alas-2:00 ng hapon na susundan ng laban ng dating kampeon na La Salle at Adamson sa alas-4:00 ng hapon.