Matapos ang dalawang dikit na kabiguan, nakabuwelta na rin ang isa sa preseason favorite na Cebuana Lhuillier ng kanilang pataubin ang Tanduay Light, 77-57, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Buhat sa 6 puntos na bentahe sa pagtatapos ng first period, rumatsada ang Gems sa second quarter sa pangunguna nina Kevin Ferrer at Simon Enciso upang palobohin ang kanilang bentahe at tuluyang makontrol ang laban pagdating sa halftime, 38-23.

Kasunod nito, tinulungan si Ferrer nina Mar Villahermosa at Allan Mangahas sa second half upang ganap nang layuan ang Rum Masters, 63-39, papasok sa final canto.

Isinalansan ni Villahermosa ang 8 sa kan yang game high na 14 puntos sa third period para pangunahan ang nabanggit na panalo ng Gems na nag-angat sa kanila sa barahang 2-2, habang nalugmok naman ang kanilang katunggali sa ikatlong dikit na pagkatalo.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Matapos si Villahermosa, nagposte rin ng double digit performance para sa nasabing tagumpay ng Gems si Ferrer na nagtapos na may 13 puntos, sumunod si Mangahas na may 11 puntos at Norbert Torres na may 10 puntos.

"Karamihan kasi dito sa mga player namin, mga star in their own right sa kanilang school teams. I just reminded them na dito, isang team lang tayo na hindi puwedeng kanyakanya," pahayag ni Gems coach Boysie Zamar.

Sa kabilang dako, nag-iisa namang tumapos na may double figure output para sa Tanduay si Roi Sumang na nagtala ng 11 puntos.