Richard Gomez

IPINAUBAYA na muna sa iba ni Richard Gomez ang pamamahala bilang chief-of-staff sa office ng asawang si Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez.

Ani Goma, na busy ngayon sa kanyang hosting job sa Quiet Please! Bawal Ang Maingay, kumakain ng mahabang oras ang trabaho niya sa Congress at dahil type niyang muling maging aktibo sa entertainment industry — na kung ilang taon na rin niyang napabayaan — nagpaalam na muna siya sa kanyang misis.

Naintindihan naman siya ni Cong. Lucy kaya pumayag ito. Pero hindi raw ito nangangahulugang tuluyan na niyang iiwan ang opisina ng asawa dahil siya pa rin naman ang tumatayong district officer sa ikaapat na distrito ng Leyte.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa morenong aktor, wala siyang political plans sa 2016 national elections.

“Andiyan na si Lucy, siya na lang muna. Support group na lang muna ako. Ang ginagawa ko, ‘yung trabaho ko sa district, ako ‘yung nag-aasikaso sa mga pangangailangan doon,” seryosong pahayag ni Richard.

“Kapag sinabi ng Congress na, ‘O, may certain budget kayo, gamitin n’yo ‘yan para sa kalsada.’ Ako ‘yung maghahanap kung saan namin ilalagay ‘yung budget na ‘yon,” dagdag pa ni Richard.

So, isasantabi muna niya ang political plans niya hangga’t nasa puwesto ang misis niya?

“Siguro kapag tapos na ‘yung term ni Lucy. Technically, first term pa lang niya as a lawmaker. Di ba, nu’ng first term niya ‘pina-disqualify siya? Eh, tinanggap namin ‘yung disqualification, so, technically, first term pa lang niya ngayon. Meron pa siyang natitirang dalawa,” lahad ni Richard.

Itinuwid na rin ng aktor ang impresyon ng ilan na umalis siya bilang chief-of-staff ng kanyang asawa dahil sa pressure sa trabaho.

“District officer na ako. Hindi rin ako umalis. ‘Yung chief-of-staff kasi ang daming ginagawa. Mahirap na trabaho ‘yun. Kaya nagkapelikula ako dahil hindi na ako full time sa office. Kaya bigla akong nakatatlong pelikula at TV show,” paglilinaw ng magaling na aktor.

“Nu’ng first term niya, wala akong ginawa, tutok talaga ako. Full time job talaga ‘yun. Pati agencies, kailangan puntahan ko. ‘Tapos ‘yung agency, may mga sub-agency pa na kailangang puntahan. Titingnan mo kung ano ‘yung mga programa na aakma sa distrito ninyo. Kapag okay, gagawa ka ng proposals. Ang haba ng proseso noon. Kumakain ng oras.”

Sa ngayon, masaya na si Richard sa ginagawa niya sa telebisyon lalo na’t pumapalo sa rating ang Quiet Please! Bawal Ang Maingay sa Sunday timeslot nito sa TV5.

Nasa pre-production stage naman ang pelikulang sa Star Cinema na pagbibidahan niya with Dawn Zulueta at Bea Alonzo at ganoon din ang teleserye sa ABS-CBN.