Sumalo sa pamumuno sa men’s at women’s division ang event host Arellano University (AU) makaraang maiposte ang kanilang ikatlong sunod na panalo kontra sa San Beda College (SBC) sa pagpapatuloy kahapon ng NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Kapwa rin winalis ng dalawang koponan, ang Chiefs at Lady Chiefs, ang nakatunggaling Red Lions at Lionesses sa loob ng tatlong sets, ang una sa iskor na 25-13, 25-18, 25-23 at ang huli ay sa iskor na 25-10, 25-10, 25-18.

Pinamunuan ni Benrasid Latip ang balanseng opensa ng tropa ni coach Sherwin Meneses sa itinala nitong 10 puntos habang nag-ambag naman ang mga kakamping sina Christian Segovia, Sanny Sarino at Kenneth Aliyacyac ng tig-8 puntos at Lawrence Espiritu ng 7 puntos.

Nanguna naman para sa Red Lions, na naglugmok sa ikatlong sunod na pagkabigo, si Angelo Torres na nagposte ng game high na 17 puntos, kabilang na ang 14 hits, 2 blocks at 1 ace.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Para naman sa Lady Chiefs, tumapos naman na may 13 at 12 puntos sina Danna Henson at Cristine Joy Rosario upang pangunahan ang ikatlong dikit nilang panalo.

Nagdagdag naman ng 8 puntos si Menchie Tuviera at 7 puntos naman ang dating National University (NU) player na si Rialen Sante.

Wala naman ni isa na nakapagposte ng double figure para sa Red Lionesses na pinamunuan ni Debbie Dultra na nagtapos na may 6 puntos.

Gaya ng kanilang men’s squad, wala pa ring panalo ang Lionesses matapos ang tatlong laro.

Una rito, nakapasok na rin sa win column ang Letran Squires nang talunin nila ang La Salle Greenhills-CSB, 25-15, 25-15, 25-9 sa pamumuno ni John Wilson dela Cruz na humataw ng 7 hits, 2 blocks at 3 service aces para sa kabuuang 12 puntos.