Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga bagay na dapat mong kalimutan na. Kahapon, naging malinaw sa atin na kailangang kalimutan ang mga taong nagagalit sa atin. May magagawa ka ba kung alam mong nagagalit ang isa o dalawa o marami pang tao sa iyo? Sa halip na lumublob sa negatibong pakiramdam, kalimutan mo na lang ang mga taong nagagalit sa iyo.
Paangatin mo ang iyong mentalidad at kalimutan ang katotohanang laging may taong nagagalit sa sa iyo. Huwag mo na ring tangkaing pahupain ang galit nila sapagkat naroon ang pangambang lumala ang situwasyon. Kung ang taong iyon ay malapit sa iyo (kapatid, best friend, boss, subordinate), hindi magtatagal ay mawawala rin ang galit niyon. Natural lamang na magalit sa iyo ang malalapit sa iyo. Yaong mga taong wala kang koneksiyon, na wala kang pakialam sa kanila, sila ang hindi nagagalit dahil ganoon din naman sila sa iyo. Kaya kapag ang isang tao na walang koneksiyon sa iyo ay nagalit sa iyo, higit ang galit niyon. Talagang misteryoso ang buhay.
- Kalimutan mo na nag-iisa ka lang sa mundo. – ang pagiging ulila sa mundong ibabaw ay isang bagay na hindi dapat ikalungkot. Kung nalulungkot ka dahil doon, sana maunawaan mo na maraming ulila sa mundo at malamang na namumuhay sa kapanglawan ang ilan sa kanila. Hindi makatutulong ang lungkot sa iyong buhay at talagang wala kang mahihita. Ngunit kung nakahanda kang magtatag ng matitibay na ugnayan sa ibang tao sa iyong paligid, mas magaan ang iyong pakiramdam dahil may kasama ka pala. Maraming maiaalok sa iyo ang buhay, at kahit nag-iisa ka, lagi mong kasama ang Diyos.
- Kalimutan mo na ang mga bagay na hindi mo magawa. – Kung hindi mo talaga magawa ang isang bagay na lagi mong sinusubukan ngunit pumapalpak ka, kalimutan mo na. Kung susubukan mo pa kahit alam mong walang mangyayari sa iyong pagsisikap, lalo ka lamang mabibigo at malulungkot. Ngunit kung totohanang may ginagawa ka upang matamo ang iyong minimithi, hindi malayong makamit mo nga iyon. Ngunit kung hindi talaga uubra, masasaktan ka lang. Mas mainam pang pagyamanin mo ang iba mo pang abilidad na kayangkaya mo. Sa ganoong paraan lamang mapaaangat mo ang kalidad ng iyong buhay