Siniguro ng Generika Life Savers ang isa sa silya sa semifinals noong Miyerkules ng hapon matapos na biguin ang Cignal HD Spikers sa loob ng nakaririnding limang sets, 25-19, 25-20, 20-25, 22-25, 15-9, sa pagpapatuloy ng 2014 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix na iprinisinta ng Asics sa Cuneta Astrodome.

Habang sinusulat ito ay nagsasagupa naman sa ganap na alas-2:00 ng hapon ang Foton Tornadoes kontra sa Petron Blaze Spikers habang nagtapat sa ganap na alas- 4:00 ng hapon ang dumadausdos na Cignal HD Spikers at umaangat na RC Cola Air Force Raiders.

Huling magsasalpukan sa ganap na alas-6:00 ng gabi ang una sa dalawang men’s semifinals ang nangungunang PLDT Telpad kontra sa Maybank na nasa ikaapat na puwesto.

Pinamunuan ni Russian import Natalia Kurobkova ang panalo ng Generika na tampok ang magkasunod na spike at napapanahon na block sa krusyal na ikalimang set upang itulak sa ikaapat na sunod na panalo ang Life Savers. Tangan ng Life Savers ang kartadang 5-3.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang 6-foot-3 open hitter na si Kurobkova ang sinandigan ng Generika sa depensiba upang masiguro ng Life Savers ang isa sa pinag-aagawang apat na silya sa women’s division ng prestihiyosong interclub tournament na inorganisa ng Sports Core kasama ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Nagtala si Kurobkova ng kabuuang 26 puntos na mula sa kills upang iangat ang Generika sa ikalawang puwesto sa likod ng nangungunang Petron na may 6-1 (panalo-talo) karta.

Nahulog naman ang HD Spikers sa 3-5 marka na nagpalabo sa tsansa nilang makaagaw ng isa sa apat na pinag-aagawang silya sa semifinal sa nalalapit na pagtatapos ng double-round eliminations.

Nagtulung-tulong din ang ibang miyembro ng Generika na sina Aby Marano, Cha Cruz at Stephanie Mercado upang hablutin ang unang dalawang set habang pinahirapan na makaiskor ang HD Spikers import na sina Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman. Nagtala si Marano, Cruz at Mercado ng 14, 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“Actually, we didn’t do anything special,” sinabi ni Generika coach Ramil de Jesus. “I just told them to be active on the recoveries and do those little things like digging and service. I also told them to remove their bad habits, especially what we did in our previous loss (against Mane ‘N Tail).”

Nakabalikwas naman ang Cignal sa ikatlo at ikaapat na set upang itulak ang laban sa ikalimang set kung saan ay uminit ang opensiba ni Stalzer upang gulantangin ang Life Savers sa pagdikit sa 9-13 iskor.

Gayunman, hindi napigilan si Kurobkova sa magkasunod na matinding smash, kabilang ang perpektong cross-court kill at blangka upang selyuhan ang panalo.

“Wala naman ibang inspirasyon pero sinabi ko lang sa kanila na bumawi kami sa pinakapangit na laro. Ang sabi ko sa kanila, huwag na nating hayaang maulit ang pinakapangit na talo. Isipin na lang ninyo na nag-training kayo under sa akin at dahil doon designed kayo na manalo,” paliwanag ni De Jesus.