COTABATO CITY – Apat na araw bago ang ikalimang anibersaryo ng Maguindanao massacre, isang testigo sa karumaldumal na krimen ang namatay sa pananambang sa Shariff Aguak noong Martes.
Kinilala ang biktima na si Denix Sakal, dating driver ni Andal Ampatuan Jr., na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isa pang kinokonsiderang testigo, na nakilalang si Sukarno “Butch” Saudagal, ang sugatan din sa pananambang. Si Saudagal ang itinuturing na “bagman” ni Ampatuan nang ang huli ay punongbayan pa ng Datu Unsay, Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, na siyang namumuno sa paghahanda sa paggunita ng Maguindanao massacre sa Linggo, malaki ang posibilidad na layunin ng pamamaril kina Sakal at Saudagal ay patahimikin ang dalawa bilang testigo laban kay Ampatuan.
Ang mga biktima ay patungo sana sa Tacurong City upang makipagpulong sa kanilang abogado nang maganap ang pananambang sa Barangay Bagong sa Shariff Aguak dakong 8:00 ng umaga. - Ali G. Macabalang