Hinarang ng mga opisyal ng House of Representatives ang mga tauhan ng Sandiganbayan na kukumpiska sana sa siyam pang mamahaling artwork na naka-display sa tanggapan ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos.

Sa ulat na may petsang Oktubre 9, 2014, ngunit isinumite sa Sandiganbayan noong Oktubre 15, 2014, sinabi ng Sheriff Division ng anti-graft court na nagtungo sila sa tanggapan ng kongresista sa Kongreso upang samsamin ang siyam na paintings na kinabibilangan ng “Madonna and Child” ni Michelangelo Buonarotti; “Vase of Red Chrysanthemums” ni Bernard Buffet; “Still Life with Idol” ni Paul Gaugin; “L’ Aube” ni Joan Miro; “Femme Cauchee VI” ni Pablo Picasso; “Jardin de Kew Prés de la Serre, 1892” ni Camille Pissarro; “La Baignade au Grand Lemps” ni Pierre Bonnard; “Picnic (Grandma Moses) 1959” ni Anne Mary Robertson at “Moon Madness 1982” ni Andrew Wyeth

Ikinatwiran ng congressional staff na walang dalang clearance mula sa tanggapan ni House Speaker Feliciano Belmonte ang grupo ng mga opisyal ng Sandiganbayan.

Gayunman, sinabi ni Sheriff Romulo Barrozo, na isinailalim na lamang nila sa custodia legis ang mga nasabing painting. Isinilbi rin ni Barrozo ang duplicate copy ng kautusan kay Filadelfo “Bebot” Diaz, chief of staff ni Rep. Marcos na sinabihan na ang mga nasabing paintings ay saklaw ng order of attachment ng hukuman at hindi maaaring galawin ang mga ito kung walang pahintulot ng 1st Division ng korte.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kasama ng anti-graft court sa pagtungo sa tanggapan ni Marcos ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at mga kinatawan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at ng Office of the Solicitor General (OSG).

Ang mga painting sa opisina ni Marcos sa House of Representatives ay kabilang sa 24 artworks na sakop ng writ of attachment na inilabas ng anti-graft court noong Setyembre 29.

Naunang sinamsam ng PCGG ang 15 sa mga painting mula sa bahay ng pamilya sa San Juan City.