IGINAWAD ng Make Your Nanay Proud (MYNP) Foundation ang awards sa mga natatanging ina ng tahanan last October 29 sa Windmills and Rainforest Resto sa Quezon City sa pamununo ng King of Talk na si Boy Abunda.
Natipon sa naturang lugar ang mga ulirang ina mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Naitanong namin kay Kuya Boy kung bakit wala silang pinarangalan na mga inang nasa mundo ng pelikula at telebisyon.
Ang paliwanag niya, alam naman daw niyang marami ring mga ina sa pelikula at telebisyon na karapat-dapat mapabilang sa first ever Best Nanay Awards pero ayaw nilang magmukhang showbiz ang affair at ayaw din nila na may maghihinakit, huh!
“I’m happy with the result. Pulido ang pagkakapili ng mga winners and through them we can proudly say that MYNP is truly here to pay tribute to mothers and acknowledge the noblest job in the world: motherhood,” sey ng founding chairman na si Boy Abunda.
Karamihan sa binigyan ng awards ay galing sa mga probinsiya na kagaya nina Gloria Baltar (47 years old) mula sa Abucay, Bataan; Rosa Balana (90) mula sa Ilocos Norte; Carmen Ragonjan (68), Josefina G. Olorocisimo (53) mula sa Taytay, Rizal; Angelita Guiteng (61) mula sa Malangas, Zamboanga; Lorna Garnace (43) ng Sibugay, Palo, Leyte; at si Magdalena Aquino (78) ng Batangas.
Kinilala rin ang dalawa pang awardees na mula sa Marikina City, sina Zoraida Motil (63) at Cecille Sibunga (62), at ang pangsampu naman ay mula sa Pasig City na si Leonarda Camacho (90).
Tumanggap din ng plake ng pagkakilala si Gov. Imee Marcos na tinanggap naman ng dating First Lady Imelda R. Marcos.
Samantala, ang awarding ceremonies ay itinaon sa mismong kaarawan ng King of Talk. Marami rin ang nakatanggap ng kopya ng bagong inilunsad na librong MYNP book.
Ang naturang libro na inilathala ng ABS-CBN Publishing ay naglalaman ng testimonya tungkol sa mga kilalang ina sa showbiz, pulitika, sports at marami pang ibang sektor. Kasama sa personalities ang number one friend ni Boy Abunda na si Kris Aquino, may mga pahayag din sina Alan Peter Cayetano, Loren Legarda, Miriam Defensor Santiago, Kiefer Ravena, James Yap, Herbert Bautista, Ai-Ai delas Alas, Coco Martin, Luis Manzano, Nancy Binay, at marami pang iba.