DAVAO CITY – Umapela si Senator Teofisto “TG” Guingona III para sa isang federal na gobyerno at tatawagin itong “Mindanao commonwealth,” na ayon sa kanya ay isang hindi sinasadyang resulta na bunsod ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sa isang press conference sa Grand Men Seng Hotel dito, sinabi ng senador na ang mga katutubo at Kristiyano sa rehiyon ay may magkakaparehong karapatan alinsunod sa BBL dahil pakikinabangan ng rehiyon ang 75 porsiyento ng kita sa mga likas na yaman nito, gaya ng mga lamang-dagat, tanim at pagmimina, habang ang 25 porsiyento ay mapupunta naman sa gobyerno.
Pinuna rin ni Guingona ang aniya’y “too much concession” na ibinigay ng gobyerno sa Bangsamoro na inaasahang babago sa konsepto ng pamahalaan at ang “paradigm shifting” ay nagbigay din sa mga nagsusulong ng pederalismo ng pagkakataong igiit ang nasabing uri ng gobyerno.
Aniya, mistulang federal ang BBL pero nilinaw ng mga lumikha nito na ito ay isang awtonomiya na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ngunit ang nakikita ng mga federalist sa BBL ay ang pagkilalang ibinigay ng gobyerno, na para kay Guingona ay dapat na ipagkaloob sa lahat ng mamamayan sa Mindanao.
Kaugnay nito, inihayag ng senador na susuportahan niya ang pagsusulong ng federalism at ang paggamit sa resources Mindanao sa ilalim ng tinatawag niyang “Commonwealth of Mindanao”.
Aniya, magsusulong siya ng panukala para sa federal state sa rehiyon o ang Commonwealth Mindanao sa Marso ng susunod na taon.
Naniniwala rin si Guingona na ang BBL “is not easily sailing in congress” dahil sa mga usapin sa batas na kailangang busisiin ng mga mambabatas.
“Aside from the congress, the hardest part that the BBL would go through is when this will be brought to the SC (Supreme Court) on constitutional issues. If we will not be careful right now, BBL will have the same fate with the MOA-AD (Memorandum of Agreement on Ancestral Domain),” ani Guingona.
Ang MOA-AD, ang kasunduang pangkapayapaan ng administrasyong Arroyo at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay idineklara ng kataas-taasang hukuman na labag sa batas. (Alexander D. Lopez)