Handa si Pangulong Benigno S. Aquino III na makipagdiyalogo sa mga coconut farmer na naggigiit ng kanilang kabahagi sa coconut levy fund.
Sinabi ni Presidential Secretary Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na batid ng gobyerno na ang mga magniniyog ang makikinabang sa coconut levy fund.
Gayunman, ayon kay Coloma, ang diyalogo ng Pangulo sa mga magniniyog ay nakasalalay pa rin sa work schedule ng Presidente.
“Ginawa na niya ito dati. Hinarap niya noon ang mga magsasaka mula sa Aurora sa Ateneo. Kinausap din niya ang labor groups bago ang Labor Day, pero nakadepende ito sa kanyang availability,” sinabi ni Coloma nang tanungin kung handa ang Pangulo na harapin ang mga magniniyog na magmamartsa papunta sa Palasyo.
Kung hindi uubra ang schedule ng Pangulo, sinabi ni Coloma na maaari naman na ang mga kinatawan ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang makipag-usap sa mga ito.
May 71 magniniyog mula sa Davao ang nagsimula nang magmartsa patungong Malacañang upang hilingin ang pagtatatag ng Coconut Farmers Trust Fund sa bisa ng Executive Order ng Pangulo.
Ang panukalang trust fund ang titiyak na ang P71-bilyon coco levy funds na nasa pangangalaga ng gobyerno ay mapakikinabangan ng mga coconut farmer.
Inaasahang darating sa Maynila sa Miyerkules, Nobyembre 26, ang mga magsasakang miyembro ng Kilusan Para sa Ugnayan ng mga Samahang Magniniyog.
Tiniyak naman ni Coloma na gagawin ng gobyerno ang lahat ng kinakailangang hakbangin upang masiguro na magagamit nang wasto ang coconut levy para sa kapakinabangan ng mga magniniyog. - Genalyn D. Kabiling