Nakatakdang bigyan ng kaukulang pagkilala ang mga champion coach na sina Eric Altamirano ng National University (NU) at Boyet Fernandez ng San Beda College (SBC) dahil sa kanilang naging tagumpay sa katatapos na UAAP at NCAA season sa idaraos na UAAP-NCAA Press Corps 2014 Collegiate Basketball Awards na gaganapin sa Disyembre 4 sa Saisaki-Kamayan EDSA.

Tatanggapin ng dalawang nabanggit na mentors ang parangal bilang Coach of the Year dahil sa kanilang matagumpay na paggabay sa kanilang mga koponan tungo sa makasaysayng kampeonato ng nakaraang UAAP at NCAA basketball seasons.

Ang dalawang dating PBA player na kalaunan ay naging mga coach ay ilan lamang sa bibigyan ng parangal sa pamamagitan ng SMART at ng mga miyembro ng UAAP at NCAA Press Corps.

Matapos ang paghihirap sa unang tatlong taon ng kanyang pag-upo bilang coach ng Bulldogs, nagawang ihatid ni Altamirano ang koponan sa unang kampeonato makalipas ng ilang dekada sa kabila ng pagkawala ng mga key player na sina two-time MVP Bobby Ray Parks at Emmanuel Mbe.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Nakuhang malagpasan ng Bulldogs, sa pangunguna nina Alfred Aroga, Troy Rosario, Glenn Khobuntin at Gelo Alolino, ang limang do-or-die games upang makamit ang pinaka-aasam na titulo na huling natikman ng unibersidad noon pang 1954.

Sa kabilang dako, natapos naman ang dalawang taon ng pag-upo ni Fernandez sa San Beda sa pamamagitan ng paghatid sa Red Lions sa pinaka-aasam na limang sunod na kampeonato.

Pinangunahan ng starters na sina Ola Adeogun, Baser Amer, Art dela Cruz, David Semerad at Kyle Pascual, nakalusot ang Red Lions sa gitna ng di-inaasahang pagkabigo na kanilang natamo sa huling bahagi ng elimination round upang makumpleto ang asam nilang 5-peat.

Nagsilbi naman itong magandang send-off para kay Fernandez na ngayo’y nagbabalik bilang head coach sa PBA sa koponan ng baguhang NLEX.

Ang taunang recognition, suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI at ng Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer, Mighty Mom dishwashing liquid), ay nagbibigay ng kanilang parangal sa mga outstanding performer sa pangunahing dalawang collegiate leagues ng bansa.