Naaresto na ng mga tauhan ng Valenzuela Police ang isang lalaki na 10 taon nang pinaghahanap ng batas dahil sa pagpatay nito sa isang binatilyo, makaraang matunton ang pinagtataguan nito sa Meycauayan, Bulacan, kamakalawa ng hapon.

Sa panayam kay Senior Supt. Rhoderick Armamento, hepe ng Valenzuela City Police, kinilala ang suspek na si Raymilan Balingit, 36, alyas “Boy Metro,” ng Barangay Karuhatan ng nasabing lungsod.

Si Balingit ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 172 Judge Floro Alejo, sa pinagtataguan nito sa Barangay Bayugo, Meycauayan, Bulacan, dakong ala 1:45 kamakalawa ng hapon.

Sa derektiba ni Armamento, sinalakay ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 11 ang pinagtataguan ni Balingit at hindi na ito nakaporma pa ng palibutan ng mga pulis ang kanyang bahay.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa datos ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela Police, si Balingit ang itinuturong bumaril at nakapatay kay John Ray M. David, 16, noong Nobyembre 17, 2004 sa Barangay Pasolo ng nasabing lungsod.

Siya rin ang may kagagawan ng lahat ng nakawan ng mga metro ng tubig sa kanilang lugar kung kaya nabansagan itong “Boy Metro”.