Ipinag-utos ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Joel D. Pagdilao na arestuhin ang driver ng ten-wheeler truck na nakasagasa at nakapatay sa isang pulis sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang biktima na si PO3 Juanito Luardo, 53, nakatalaga sa QCPD Public Safety Battalion, residente ng Phase 4, Package 1, Blk. 4 Ext. Lot, Bagong Silang, Caloocan City.

Si Luardo ay ideneklarang deadon- the-spot bunsod ng pagkakalasog ng katawan matapos masagasaan at makaladkad ng 10-wheeler truck RVR–366 dakong 9:20 kamakalawa ng gabi sa Congressional Ave. Ext. Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Lumilitaw sa imbestigasyon, nagkagitgitan umano ng motorsiklo ng pulis ang killer truck na natuloy sa habulan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Pagsapit ng Violago Homes, sa isang iglap, naipit ang motorsiklo sa truck at nakaladkad pa ito habang sakay si Luardo ng halos 20 metro.

Makaraan ang insidente, tumakas ang hindi nakilalang driver at dalawang pahinante na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damge to property.

Nabatid na ang nasabing ten-wheeler truck ay nasa pangalan ng Chianbenco Resources, ng Pandacan, Manila.