Sumadsad ang Team Pilipinas sa pangkalahatang ika-12 pwesto kahit na nakapagdagdag sila ng 1 pilak at 1 tanso sa ginaganap na 6th Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.

Kumubra na sa kabuuan ang Pilipinas ng 2 ginto, 1 pilak at 2 tanso matapos na magwagi ng 1 pilak at 1 tanso ang delegasyon sa water ski sa torneong nilahukan ng 45 bansa.

Iniuwi ni Susan Madelene Larsson ang pilak sa women’s cable wakeskate sa nakuhang 82 puntos habang nagkasya lamang si Jose Cembrano sa tanso sa 78 puntos sa men’s division.

Posible pang madagdagan ang medalya ng bansa matapos magtala ng panalo ang men’s beach volley players na binubuo nina Edmar Bonono at Edward Ybañez.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nabigo naman ang iba pang atleta na kinabibilangan ng Perlas Pilipinas sa China, 13-19, sa semifinals para matanggal sa medal race habang ang women’s handball team ay natalo sa ikalawang sunod sa kamay ng Vietnam.

Minalas din ang mga pambato sa triathlon na sina Nikko Huelgas at John Chicano sa kalalakihan at gayundin si Kim Mangrobang sa kababaihan. Si Huelgas ay nalagay sa ika-15 at si Chicano ay sa ika-27 sa 39 naglaban habang si Mangorobang ay nasa ika-10 pwesto.

Una nang humataw ng ginto sina Maybelline Masuda sa women’s -50kg. at si Annie Ramirez sa women’s -60kg sa jiujitsu habang hinablot ang tansong medalya ni Robeno Javier sa men’s duathlon at ni dating 9th time SEA Games gold medalist John Baylon sa men’s 80kg sa jiujitsu.