Walang legal na balakid na makapipigil sa paglilitis sa kaso ng pamamaril at aksidenteng pagpatay sa isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel noong Mayo 2013 makaraang ibasura ng hukom ang petisyon ng walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na ibasura ang kaso laban sa kanila.

Sa isang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera na ibinasura ni Batanes RTC Branch 13 Presiding Judge Ramon Barona ang lahat ng mosyon ng mga akusado na pawalangbisa ang mga impormasyon laban sa kanila at bigyang-daan ang mismong paglilitis sa kaso.

Idiniin din ni Navera na ang nakabimbing petisyon ng mga PCG personnel sa Korte Suprema na hinihiling na ilipat ang paglilitis sa Maynila mula sa Batanes ay hindi maaaring gamiting basehan upang ipagpaliban ang pagdinig sa homicide case.

Ngayon ang maliliit na isyu ng kaso ay naresolba na, sinabi ni Navera na itinakda na ni Barona sa Nobyembre 24 ang paglilitis sa Balintang Channel homicide case.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Lilitisin sa pagkamatay ng mangingisdang Taiwanese na si Hung Shih Cheng ang mga tauhan ng PCG na sina Commanding Officer Arnold Enriquez dela Cruz, Seaman 2nd class (SN2) Nicky Reynold Aurellio, SN1 Edrando Quiapo Aguila, SN1 Mhelvyn Aguilar Bendo III, PO2 Richard Fernandez Corpuz, SN1 Andy Gibb Ronario Golfo, SN1 Sunny Galang Masangkay at SN1 Henry Baco Solomon.

Sa walong akusado, tanging si Aguila ang haharap sa arraignment sa Nobyembre 24.

Marso ngayong taon nang natukoy ng Department of Justice (DoJ) ng probable cause upang magsampa ng homicide charges laban sa walong taga-PCG na sangkot sa pamamaril at pagkamatay ni Hong.

Binalewala ni Navera ang pahayag ng mga respondent na napilitan silang magpaputok sa Taiwanese fishing boat makaraan umano nitong subuking banggain ang kanilang patrol vessel.