Naiulat na nagtakda ang House of Representatives ng 32 public hearing na idaraos sa buong Pilipinas hinggil sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na magtatayo ng isang bagong political entity bilang kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Dahil sa schedule ng nationwide hearings, hindi maaaprubahan ang panukalang batas bago mag-Pebrero sa susunod na taon.

Patuloy na nalalambungan ng pagdududa at pangamba ang karaniwang pag-unawa ng publiko hinggil sa panukalang Bangsamoro Political Entity. Matapos maaprubahan ang batas sa Kongreso, dapat itong maging epektibo pagkatapos maaprubahan sa isang plebisito sa panukalang rehiyon ng Bangsamoro.

May nakapagtanong kung bakit hindi gawing nationwide ang plebisito kung maapektuhan din namana ng buong bansa ng naturang batas na parang maghihiwalay sa isang bahagi ng pambansang teritoryo at bigyan ito ng sarili nitong gobyerno na kakaiba sa republican presidential system at may mas malawak na kapangyarihan na hindi tinatamasa ng iba pang bahagi ng bansa.

Ngayong nakapagpasya ang Kamara na magdaos ng public hearings sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Mindanao, Visayas, Luzon, at sa Batasan mismo, malalaman ang pakiramdam ng bansa sa BBL kahit walang plebisito. Maaaring lumutang sa mga pagdinig ang ilang suliranin, pangamba, pagdududa, at iba pang opinyon na maaring tingnan ng mga mambabatas kapag tinalakay na nila ang makasaysayang panukalang Bangsamoro sa Kongreso.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa pamamagitan ng 32 public hearing na itinakda ng ad hoc committee sa pangunguna ni Rep. Rufus Rodriguez, maaaring makilahok ang buong bansa sa talakayan sa isang isyu na makaaapekto sa ating lahat hindi lamang ngayon kundi sa susunod pang mga taon sa paglalatag ng ating kasaysayan. Kung may may mga kritisismo na waring minadali ang Bangsamoro agreement, makatutulong ang mga pagdinig na ituwid iyon.

At kaya ang pagmamadali na maaprubahan ang Bangsamoro bill bago matapos ang taon ay hindi mangyayari. Sa pinakamainam, ang aksiyon ng Kamara sa panukalang batas ay sa huling bahagi pa ng Pebrero. Pagkatapos niyon, ang Senado naman ang tatalakay at aaksiyon sa bill na nagtataglay ng pag-asa ng marami nating kababayan na sa wakas maghahatid ng kapayapaan at pagkakaisa sa Mindanao.