Mapanatiling walang bahid ang kanilang record, na mas lalong magpapakatatag sa kanilang solong pamumuno, ang hangad ng Alaska sa pagsagupa sa Barako Bull sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Taglay ang barahang 6-0, tatargetin ng Aces ang kanilang ikapitong dikit na tagumpay sa pagtutuos nila ng Energy Cola ngayong alas-4:15 ng hapon.

Ngunit haharapin ng Aces ang inspiradong koponan ng Energy Cola na matapos dumanas ng limang sunod na pagkatalo ay nakatikim na rin ng panalo sa kanilang nakaraang huling laro laban sa Kia Sorento, 87-71, noong Linggo.

Nagposte ng kanyang career-high 22 puntos at 12 rebounds ang rookie ng Barako na si Jake Pascual upang pangunahan ang nasabing unang panalo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Isinalansan ni Pascual ang 16 sa nasabing 22 puntos sa first half bago nag-take-over ang kanyang mga kakampi sa second half.

Naniniwala si coach Koy Banal na papaganda na ang takbo ng kanyang koponan na natututo sa kanilang leksiyon matapos ilampaso ng Rain or Shine Elasto Painters at ng Barangay Ginebra Kings.

Sa kabilang panig, muli namang aasahan ni Alaska coach Alex Compton ang kanilang depensa para sa patuloy na pamamayagpag ng kanyang koponan.

“I thought we set the tone defensively in the first half, our energy was highand I was proud with how our players responded,” pahayag ni Compton kasunod sa huli nilang panalo laban sa Blackwater.

“Obviously, we had some struggles offensively, but if we can continue defending like that, it would be good,” dagdag nito.

Samantala, sa tampok na laro, hangad namang patatagin ng San Miguel Beer ang kanilang kapit sa ikalawang posisyon sa pakikipagtunggali nila sa baguhang Kia Sorento.

Hawak ang barahang 5-1 (panalo-talo), target ng Beermen na hatakin ang naitalang back-to-back wins hanggang tatlong sunod na tagumpay sa pamumuno ng reigning MVP at nakaraang Player of the Week na si Junemar Fajardo.

Para naman sa kanilang katunggaling Kia Sorento, nais naman ng mga ito na makaahon sa kinasadlakang limang sunod na kabiguan matapos ang kanilang opening day win.