(UNA SA TATLONG BAHAGI)
Isa sa mga kapuri-puri at nakatataba sa puso na naganap noong Nobyembre 2013 ay ang hugos ng tulong mula sa iba’t ibang panig ng daigdig pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Yolanda. Isang taon mula nang lumipas ang trahedya, na nag-iwan ng mahigit 6,000 bangkay, mahigit 1,000 nawawala at libo-libong pamilya na nawalan ng tahanan at kabuhayan, marami sa mga dayuhang grupo, kabilang ang United Nations at mga kinatawan ng mga pamahalaang dayuhan, ang patuloy na tumutulong sa mga nakaligtas upang makabalik sa normal na pamumuhay. Sa kabila nito, hindi sila mananatili nang palagian dito; babalik sila sa kanilang mga bansa kapag nakitang nakatatayo nang mag-isa ang mga nakaligtas sa bagyo. Totoo na ang rehabilitasyon at pagbangon ay tatagal pa ng ilang taon dahil sa lawak ng pinsalang tinamo ng Kalagitnaang Kabisayaan at mga kalapit na bayan.
Ano ang mangyayari kapag natapos na ang buhos ng tulong mula sa iba’t ibang bansa, at ang mga bayani ay bumalik na sa kanilang sariling bayan pagkatapos ng kanilang misyon? Kahit noong katatapos pa lamang ng bagyo ay dapat sanang napagtuunan na ng pansin ang pagbangon na palagian. Nauunawaan ko naman na hindi ito nangyari dahil nga ang pangunahing pangangailangan ay masaklolohan ang mga nakaligtas sa daluyong at makumpuni agad ang mga nasirang pasilidad at imprastraktura.
Mas maaga nating ipatupad ang mga proyekto sa pangmatagalang pagbangon, mas makabubuti sa mga sinalanta ng bagyo. Madalas akong dumadalaw sa Tacloban at iba pang bayan na naapektuhan ng bagyo at nalulungkot ako sa aking mga nasaksihan, bukod pa nga sa dami ng mga namatay. Sa kabuuan ng ekonomiya, patuloy ang pamahalaan sa panunuyo sa mga mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa Pilipinas, dahil kailangan natin ang puhunan upang magtatag ng mga industriya, lumikha ng trabaho at pasulungin ang ekonomiya ng bansa. Kung may lugar na lalong nangangailangan ng puhunan, ito ay ang mga lugar na sinalanta ng bagyo. Kung walang papasok na kapital, hindi makakamit ang tunay na pagbangon, kung saan patuloy ang pagtakbo ng mga negosyo sa lokal na ekonomiya, at ang mga mamamayan ay may hanapbuhay o may pinagkukunan ng kabuhayan.