Isang foreign athlete na lamang sa bawat sports ang masasaksihan sa susunod na edisyon ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Ito ang sinabi ni UAAP Secretary-Treasurer Rodrigo Roque sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Shakey’s Malate kung saan ay tuluyan na ring aalisin ng prestihiyosong liga sa mga susunod na edisyon ang pagdagsa at paglalaro ng foreign students.

“It was discussed in the recent Board and it is due for implementation next year,” sinabi ni Roque sa forum.

“Kami nga may tatlong foreign athlete but isa na lang ang puwedeng isama sa lineup. Iyong dalawa siguro ay puwede naming ilipat sa track and field dahil mahahaba ang hakbang o kaya sa volleyball dahil matangkad,” sabi nito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Idinagdag ni Roque na malaki rin ang posibilidad na ilipat ang pagbubukas ng Season 78 at mausog din ang pagsisimula ng men’s basketball.

Ayon kay Roque, na mula sa host na University of the East (UE), na plano ng liga na ilipat sa Agosto 2015 ang pagsisimula ng men’s basketball dahil halos lahat ng mga pamantasang kasali sa UAAP ay nagbago ng kanilang academic calendar maliban sa National Univeristy (NU), Adamson at UE.

“UP (University of the Philippines) is hosting next year and sila, together with some of the other universities, ay lilipat sa August ang opening nila. Kami, NU and Adamson, June pa rin ang opening namin,” giit pa ni Roque. “I can say that there is a 60 percent chance na lilipat sa August next year ang opening ng basketball. But we will still tackle this sa board meeting namin (ngayon).”

Ang NU ay naging kampeon sa men’s basketball ng UAAP noong Oktubre. Bukod sa paglipat sa men’s basketball, pag-uusapan din ng UAAP board ang planong pagpalit ng ilang eligibility rules ng liga na tulad sa pagbawas ng residency rule ng mga atleta na mula sa dalawa hanggang isang taon na lang at ang anim na playing years na imbes na lima.

“These rules are still going to be discussed sa next board meeting namin,” ani Roque. “Eventually, we will ask our student-athletes to choose between playing one last year in high school or playing for their first year sa college dahil sa K-12 program.”