Nakababahala ang babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA): Nalalapit na ang El Niño; siyempre, kabuntot nito ang La Niña. Ang nabanggit na mga phenomenon ay nangangahulugan ng palatandaan ng pagbabago ng panahon sa ating bayan at maging sa mga karatig na bansa, lalo na sa agricultural countries.

Ang El Niño ay itinuturing na tagtuyot o halos walang ulan, samantalang ang La Niña ay mistulang tag-ulan na malimit nagiging dahilan ng pagbaha. Ang pagbabagong ito ng panahon ay parehong nakaaapekto sa ating pamumuhay, lalo na sa mga magsasaka na laging naghahangad ng kaaya-ayang panahon para sa pagpapalaki ng kanilang produksiyon.

Ngayon pa lamang, dapat nang magising ang pamahalaan, lalo na ang Department of Agriculture (DA) na laging nangangarap na tayo ay magkaroon ng sapat na ani o self-sufficient sa palay. Matindi ang epekto ng El Niño na sapat nang maging sanhi ng pagkatigang ng mga bukirin dahil nga sa kawalan ng tubig. Ang palayan, kung tumubo man, ay hindi naglalaman at halos tulyapis ang mga butil. Resulta: walang inaani at ibayong pagkagutom ng mga mambubukid.

Natatandaan ko na kapag dumarating ang naturang panahon, ang aking ama na isinilang at yumao na isa pa ring magbubukid, ay nagbabaon ng mga tubo o steel pipe na nag-aahon ng tubig sa pamamagitan ng generator: naglalagay ng mga alulod na kawayan upang dumaloy ang tubig sa iba pang panig ng palayan. Dito dapat paigtingin ng DA ang programa hinggil sa pamamahagi ng nabanggit na mga agricultural implements na mabisang pansagip sa matinding tag-tuyot. Dapat maging kaakibat nito ang rehabilitasyon ng mga irigasyon mula sa naglalakihang dam o imbakan ng tubig sa iba't ibang panig ng kapuluan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kaugnay nito, dapat namang samantalahin ng gobyerno ang patuloy na pag-iimbak ng tubig pagdating ng La Niña. Sagana ito sa tubig na sapat nang makabubuhay sa ating mga palayan. Anupa't dapat gumising at paghandaan ng administrasyon ang naturang pagbabago ng panahon sa ating bansa.