Bagamat sunud-sunod ang bawas presyo sa produktong petrolyo, hindi naman nagbababa ng pasahe ang mga operator ng mga pampasaherong jeep sa P8 mula sa kasalukuyang P8.50.
Sa unang pagdinig sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nagkaisa ang mga operator ng public utility jeepney (PUJ) na igiit na hindi dapat gawing basehan ang serye ng pagbaba ng presyo ng krudo para ibaba ang pasahe.
Sinabi ni Vigor Mendoza, legal counsel ng mga transport leader, na may iba pang gastusin ang kanyang mga kliyente, tulad ng maintenance ng sasakyan, pagtalima sa Clean Air Law at iba pang safety standard.
“This is an opportunity to improve the quality of services (for commuting public). We don’t want to sacrifice standards,” pahayag ni Mendoza sa LTFRB board.
Pinangunahan ni Negros Oriental Rep. Manuel Iway ang iba’t ibang grupo na nagsusulong ng bawas-pasahe.
Ang mga kinatawan ng LTFRB sa pagdinig ay sina Board Members Ronaldo Corpuz at Antonio Ariel Inton Jr.
Sa kanyang inihaing petisyon, hiniling ni Iway sa LTFRB na ibalik ang minimum na pasahe sa P8 mula sa kasalukuyang P8.50 para sa unang apat na kilometro at P1.40 mula sa kasalukuyang P1.50 sa kada susunod na kilometro para sa mga jeep na bumibiyahe sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog region.
Aniya, ang pinakabasehan ng kanyang kahilingan sa bawas-pasahe ay ang sunud-sunod na pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.