Pinaalalahanan ng Automobile Association of the Philippines (AAP) ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko, partikular sa mga road sign, symbol at lane marking, upang hindi mabiktima ng mga tiwaling pulis o traffic enforcer.
“Alamin mo ang iyong mga karapatan bilang isang motorista at ang batas sa trapiko ay hindi lamang proteksiyon laban sa mga nangongotong na pulis, subalit para rin makaiwas sa aksidente at aberya sa kalsada,” ayon kay AAP Vice President Johnny Angeles.
Pinayuhan ni Angeles ang mga motorista na bukod sa malaki ang multa sa paglabag sa traffic regulation, malaking abala rin ang pagkuha ng lisensiya na minsan ay inaabot ng halos isang taon. Aniya, ang karamihan sa paglabag ay ang mga sumusunod: pagmamaneho nang wala, suspendido, mali o pinawalang-bisa na lisensiya; pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng ilegal na droga; at pagpapahintulot sa isang hindi lisensiyado na magmaneho.
Binigyang-diin din ni Angeles na hindi maaaring kumpiskahin ang lisensiya ng isang driver maliban na lang sa mga sumusunod: Kung sangkot ito sa aksidente, may mahigit sa tatlong traffic violation, pinagamit ang lisensiya sa ibang tao, nag-counter flow, walang lisensiya o lumabag sa speed limit.
Iginiit ni Philippine Global Road Safety Partnership (PGRSP) Executive Director Bert Suansing na tanging pag-iisyu lang ng ordinance violation receipt (OVR) ang maaaring gawin ng isang local traffic enforcer na hindi diputado ng Land Transportation Office (LTO) at hindi ito maaaring mangumpiska ng lisensiya.
“However, they can hold a driver if he or she has violated for example, a local ordinance,” ani Suansing, na dating LTO chief.