Ariel-Gelli_REGGEE-copy

SA wife ni Ariel Rivera na si Gelli de Belen namin unang narinig na napakaganda ng bagong teleserye ng aktor, ang Bagito na kuwento ng isang batang lalaki na nakabuntis ng babaeng mas may edad sa kanya.

“Basta ang ganda, nang ikinukuwento nga ni Ariel ‘yung gist, nagandahan ako kasi isipin mo, katorse nakabuntis, Diyos ko, Lord, ‘wag naman sanang mangyari (sa mga anak nila), kasi, di ba, as a parent, maloloka ka,” kuwento ni Gelli.

Wala pa bang girlfriend ang mga anak nilang sina Joaqui at Julio.

National

Sonny Angara, nagbitiw na bilang senador

“Mga bata pa sila, ‘no!” namimilog ang mga matang sagot ng aktres.

Paano kung may ipakilala nang girlfriend ang panganay niyang si Joaquin na kinse anyos na?

“Naku, naku, ewan.  Hindi ko alam, pero ayaw ko! Sana wala, sana hindi muna,” sunud-sunod na talak ni Gelli na ikinatawa namin dahil super higpit pala siyang nanay.

Pero may paliwanag naman ang maybahay ni Ariel.

“Hindi naman maiiwasan ‘yun kasi dadaan talaga sa ganu’n na may ipapakilalang babaeng kaibigan or something, okay lang, pero ‘yung relasyon na, parang ‘wag muna. Saka na lang. Magtapos muna silang mag-aral.

“Ako nga bago nagpakasal humingi pa kami ng parents consent kasi 24 lang ako, eh, nasa batas dapat 25 ang legal age, ewan ko nga, eh.  Basta ganu’n,” kuwento ni Gelli.

Ang alam kasi namin ay 18 years old ang legal age.  Sabagay nang ikasal si Kristine Hermosa dati kay Diether Ocampo ay 20 years old na, pero naghabol ang magulang ng aktres noon dahil 21 daw ang tamang edad para magpakasal. Kaya hindi raw balido ang unang kasal ni Tin kay Diet pero dumaan pa rin sila sa legal na paraan para mapawalang bisa iyon.

Going back to Gelli, nabanggit daw sa kanya ni Ariel na mahusay ang gumaganap na anak niya sa Bagito, si Nash Aguas na agree naman kami.

Kaya presscon ng Bagito noong Linggo (Nobyembre 16) ay natanong si Ariel kung may kaba rin ba siyang nararamdaman para sa mga anak nila ni Gelli na si Joaqui at Julio.

“That’s not my greatest fear. I don’t worry about that, I work on it and I feel that I raised them well from the very beginning. So, umaasa ako na lalaki silang matitino. Ang fear ko ay ‘yung lumaki sila na hindi good persons, ‘yun ang sa akin. 

“We can handle those problems. Pero when they become as not good persons, that’s the problem that we have to fix, that’s it,” pahayag ng aktor.

Sabagay, sa naunang panayam namin kay Gelli noon sa TV5 ay inamin niyang napakabait ng mga anak nila ni Ariel at hindi mahilig gumimik.

“Mga homebody, nasa bahay lang at nanonood ng DVDs o kaya bonding sila ni Ariel.  At saka hindi sila magastos na bata, mga kuripot nga. Ang suwerte namin, walang gastos, ha-ha-ha.”

Ayon kay Ariel ay istrikto siya hindi lang sa kanyang mga anak kundi pati sa mga pamangkin niya. Sabagay, nasaksihan namin ito noong binata pa siya na bagong diskubre pa lang ng Backroom ni Boy Abunda.

Halos kasing edad ni Nash ang mga anak nina Ariel at Gelli,  paano kung makabuntis din tulad sa istorya ng Bagito?

“Ano’ng magagawa ko? Magulang ka, eh, and that becomes your territory, that becomes your responsibility. Tutulungan mo siya, guide him more to become, hopefully, a better father than me,” magandang sabi ng aktor.

Aware na ba sina Joaqui at Julio sa sex at napag-uusapan na nila ito?

“Hindi pa, pero I’m sure alam na nila ‘yan.  Siyempre sila, may mga kaibigan na ang mga ‘yan, pinag-uusapan na nila ‘yan. I’m sure, they are are aware of it,” say ni Ariel.

At tama ang sagot ni Ariel tungkol sa reaksiyon ng asawang si Gelli na base na rin sa panayam namin.

“Naku, ‘pag ‘yun, mas malaki ang reaksiyon nu’n. Kasi ako, mas kalmado ako. Siya, ‘Ay naku!’ ganun ‘yun. I’m sure, maghi-hysterical ‘yun kapag nalagay kami sa ganung posisyon,” napangiting sabi ni Ariel.

Samantala, pawang magaganda ang feedback ng mga nakapanood sa Bagito noong Lunes at eye-opener nga raw ito both sa parents at kids.

Nakakuha ng 27.2% ang pilot episode ng Bagito noong Lunes, mahigit sa kalahati ang lamang sa katapat na programa sa GMA-7.