Dalawang alkalde ang nasa balag na alanganin matapos silang isangkot ng Commission on Audit (COA) sa kontrobersiyal na pork barrel scam na sinasabing pakana ng negosyante at nakapiit na ngayong si Janet Lim-Napoles.

Sa nahuling annual audit report na inilabas kamakailan ng COA ay inusisa si Javier, Leyte Mayor Sandy Javier kaugnay ng “validity and propriety of financial assistance” na P30 milyon sa mga kuwestiyonableng non-government organization (NGO).

Wala kasing kaukulang mga dokumento ang pagkakaloob ng nasabing halaga sa Social Development Program for Farmer’s Foundation (SDPFF) para sa umano’y proyekto para sa Organic Farming for High Value Crops. Ang pondo ay mula sa PDAF nina Senators Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Loren Legarda.

Nakapiit na sina Estrada at Enrile dahil sa pagkakasangkot sa scam.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa hiwalay na audit examination report sa munisipalidad ng Bulakan sa Bulacan, tinukoy din ang mga paglabag sa mga panuntunan ng COA kaugnay ng pamamahagi ng P40-milyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga NGO na umano’y itinatag ni Napoles.

Alkalde ngayon ng Bulakan si Mayor Patrick Niel Meneses. Pinaghahanap siya at ang kanyang ina ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isang insidente ng road rage na kinasasangkutan ng mga bodyguard ng alkalde.

Inaatasan ng COA si Meneses na obligahin ang refund ng “disallowed PDAF releases from the persons determined” na liable sa pamamahagi ng mga pondo.

Sa 2013 audit report ng COA sa Bulakan, ibinunyag ng komisyon na tumanggap ang munisipalidad ng kabuuang P40 milyon PDAF mula kina Senators Ferdinand Marcos Jr., Legarda, Estrada at Enrile.

Tinukoy ng state auditors ang “deficiencies” sa mga dokumentong isinumite ng tatlong NGO na nagpatupad umano ng iba’t ibang proyektong agrikultural sa Bulakan. - Ben R. Rosario