Ngayong kumpleto na ang itinerary o mga aktibidad sa napipintong pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa, kabilang ako sa mga naniniwala na labis niyang pinananabikang masilayan ang tunay na kalagayan ng libu-libong biktima ng super-typhoon Yolanda. At sino nga naman ang hindi mababagbag ang damdamin sa pagkamatay ng mahigit 6,000 kaluluwa na ang marami ay hindi pa nakikita at pinaniniwalaang nalibing nang buhay dahil sa dambuhalang storm surge sa mga dalampasigan ng Samar at Leyte.
Siyempre, pinananabikan din ni Pope Francis – tulad ng pananabik nina Pope Paul VI na bumisita sa bansa noong 1970 at Pope Saint John Paul II noong 1981 at 1995 – na dumalaw sa Pilipinas bilang pinakamalaking bansang Katoliko sa Asya. Bahagi pa rin ng naturang itinerary ng pinakamataas na lider ng Catholic Church na makadaupang-palad ang ating mga lider, kabilang na ang mga alagad ng Simbahang Katoliko.
Subalit tulad ng laging ipinahihiwatig ni Pope Francis, higit na dapat niyang pag-ukulan ng pansin ang kalagayan ng mga maralita. Katunayan, malimit maging bahagi ng kanyang mga sermon o homily ang pag-uukol ng dalangin para sa mga mananampalataya na biktima ng kalupitan at kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan. Lagi niyang binibigyang-diin ang tunay na diwa ng pagpapakumbaba. Simpleng pamumuhay, wika nga. Sa Vatican, halimbawa, hinangad niyang manirahan sa pangkaraniwang apartment, sa halip na manahanan sa isang special quarter para sa mga Pope. Sa kanyang pagbisita sa iba’t ibang bansa, higit niyang hinahangad na lumulan sa isang ordinaryong sasakyan, tulad ng kanyang holy visit sa Korea at iba pang bansa. Maging sa pagkain sa karinderya, pumipila siya na tulad ng ibang customer. Maaaring ganito rin ang kanyang ipamalas sa kanyang banal na pagbisita sa atin. Dahil dito, marapat na madungawan niya ang tunay na kalagayan sa mga lugar na kanyang dadalawin. Dapat niyang matunghayan kung hanggang saan na ang narating ng isinagawang rehabilitasyon ng mga binagyo at binaha; kung ano na ang ipinagbago ng mga biktima ng trahedya na ang karamihan ay nagdurusa pa sa mga evacuation centers; ang iba ang dumadaing pa ng mga saklolo mula sa gobyerno at sa mga pribadong sektor. Marahil, ito ang magiging diwa ng panalangin ni Pope Francis para sa ating lahat.