Ni ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang mga residente nito na suportahan ang kampanyang “Green Christmas” sa pamamagitan ng pagbili ng mga locally-made at eco-friendly Christmas decoration.

Tinaguriang “3B sa Pasko,” binuksan na ang isang bazaar sa ground floor ng kontrobersiyal na Makati City Hall Building II para sa mga maagang mamimili, bargain hunter at makakalikasan.

Sinabi ni Department of Environment Services (DES) chief Danilo Villas, nagtayo ng kani-kanilang booth ang iba’t ibang paaralan, kooperatiba, barangay at tanggapan ng gobyerno upang ipagmalaki ang kanilang mga eco-friendly Christmas décor at iba pang kalakal tulad ng mga bag, wallet at sari-saring panregalo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Hinihikayat naming ang mga residente at iba pang bisita na tangkilikin an gaming ‘3B sa Pasko’ recyclables fair na bukas mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon. Ito ay magtatagal hanggang Disyembre 5 ngayong taon,” pahayag ni Villas.

Ang “3B sa Pasko” ay isang taunang proyekto upang mahikayat ang lahat ng sektor sa Makati na itaguyod ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na sinusuportahan ng City Ordinance No. 2003-095 o Solid Waste Management Code of Makati.

Puntirya ng lokal na pamahalaan ang mga proyekto at programa sa waste segregation upang mabawasan ang malaking bulto ng basura na nakokolekta mula sa mga bahay at establisimiyento sa siyudad.

Hanggang Setyembre 2014, iniulat ng DES na umabot sa 652,869 cubic meters ng basura ang nakolekta, na mas mababa ng 47.65 porsiyento kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2013.

Naglaan ng premyo ang Makati City government para sa mga “Best Booth” at “Best Product” winner at ang awarding ceremony ay itinakda sa Disyembre 8 bilang bahagi ng taunang Clean and Green Search contest.