Ginulantang ng isang malakas na pagsabog ang mga residente ng North Cotabato noong Linggo ng gabi na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng 17 pa.

Naganap ang pagsabog dakong 6:50 ng gabi sa Kabacan, North Cotabato at hinihinalang kagagawan ito ng mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na may kaugnayan teroristang Jemaah Islamiyah ni Kumander Basit Usman.

Nakilala ang namatay na biktimang si Monique Mantawil, 19, 2nd year Devcom student ng University of Southern Mindanao (USM)-Kabacan.

Isinugod ang mga sugatan sa iba’t ibang ospital sa lalawigan ng Cotabato, Kidapawan City at Davao City. Ilan sa kanila ay kinilalang sina Giezel Mae Butil, Samra Sembaga, Hartzel Bragat, Tonton Kusain, Flo Rohana, Jestoni Guerero, 7; Girlie Royless, 8; Rowena Nufies, 9; Albert Pagatpat, 10; Ritchie Baguio, 11; Queen Mary Alimuhanid, 12; Muhamed Masukat, 13; Ibrahim Bantulan, 14; Arvie Estrella, 15; Mervin Lagat at dalawa na hindi pa nakikilala.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sumabog ang bomba sa hagdanan ng overpass sa Bgy. Poblacion, Kabacan, North Cotabato sa harap ng Kabacan Central Pilot Elementary School.

Mabilis na remusponde ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal Team ng Philippine Army at PNP at dalawang bomba pa ang kanilang na-diffuse sa gilid ng national highway malapit sa overpass.

Kinondena ni North Cotabato Governor Emmylou “Lala” Talińo Mendoza ang pambobomba at nag-alok ng P100,000 pabuya sa makapagtuturo sa mga suspek.

Patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari at sinusuri ng North Cotabaco Provincial Police Office ang CCTV ng mga tindahan malapit sa pinagsabugan ng mga bomba upang matukoy kung sino ang naglagay ng tatlong improvised explosive device (IED).

Hinigpitan din ang seguridad sa probinsya ng Cotabato at lungsod ng Kidapawan bunga ng pagsabog sa Kabacan.