PNOY-Aquino

Inihayag kahapon ni Pangulong Aquino na naglaan na ang gobyerno ng P90.86 bilyon upang maipagpatuloy ang pagpapatupad ng military modernization program hanggang 2017.

“On-going na rin ang ating DND Medium Term Capability Development Program na saklaw ng ating Revised AFP Modernization Law. Sa programang ito, 33 proyekto ang kinukumpleto na natin na aabot hanggang 2017. Ang halagang inilaan na natin dito: P90.86 billion,” pahayag ni Aquino sa ika-75 anibersaryo ng Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ayon sa Pangulo, gumastos na ang gobyerno ng P41.39 bilyon para sa 46 modernization at capability upgrade para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) simula Hunyo 2010 hanggang Oktubre 2014.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ipinagmalaki ni PNoy na nilampasan ng kanyang gobyerno ang pinagsamang 45 proyekto ng tatlong nakaraang administrasyon simula 1995.

Noong 2013, sinabi ni Aquino na 12 proyekto, kabilang ang pagbili ng dalawang modernong barko de giyera, tatlong naval helicopter at walong combat utility helicopter, ang nakumpleto ng kanyang administrasyon.

Pinapurihan din ni PNoy, na siya ring AFP commander-in-chief, ang pagbubuo ng Philippine Defense Transformation Roadmap 2028, upang matiyak na ang lahat ng reporma sa militar na kanyang nasimulan ay maipagpapatuloy ng mga susunod na administrasyon. (Genalyn D. Kabiling)