Nagkasundo ang Philippine men at women’s indoor volleyball teams, kasama ang Philippine Volleyball Federation (PVF) at ang sumusuporta dito na Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Home Fibr, na isauna lagi ang interes ng bansa sa mga lalahukan nitong kompetisyon.

Sinabi ni PVF Secretary General at National Volleyball Team director Dr. Rustico “Otie” Camangian na pumirma sa kasunduan noong Biyernes ang kabuuang 36 na miyembro ng PHI Women’s at Men’s volley team upang itakda ang pagbibigay prayoridad sa kapakanan at interes ng bansa.

“It is a breakthrough for the Philippine volleyball,” sabi ni Camangian. “Nagkakaisa ang lahat ng mga players pati na ang asosasyon at sponsors na ang interes muna ng Pilipinas ang prayoridad bago ang lahat. Gusto nila na muling iangat ang volleyball sa lokal at internasyonal na kompetisyon.”

Ipinaliwanag ni Camangian na base sa kasunduan ay ipaprayoridad ng bawat manlalaro ang pagrerepresenta sa bandila ng Pilipinas at bibigyan ng pangunahing konsentrasyon ang pagsasanay at paghahanda para sa buong interes ng bansa.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“The agreement states that the players must prioritized representing the interest and honor of the country I know merong ibang commitment ang mga players pero flexible naman ang agreement na once the call for the country came, dapat nilang bigyang prayoridad ang interes ng pambansang koponan,” sabi ni Camangian.

Hindi naman hahadlangan ng PVF ang paglalaro ng mga miyembro ng koponan sa kani-kanilang sinalihang liga bagaman umaasa ang asosasyon at sponsor na pagtutuunan ng bawat isa ang nakatakdang pagsisimula ng kanilang preparasyon para sa inaasam na paglahok sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore.

Ang Women’s Team ay binubuo nina Mary Jean Balse, Nerissa Bautista, Rachel Anne Daquis, Rhea Katrina Dimaculangan, Kim Fajardo, Mika Reyes, Victonara Galang Jovelyn Gonzaga, Denise Lazaro, Maika Ortiz, Lizlee Ann Pantone, Jennylyn Reyes, Cristina Salak, Aleona Denise Santiago, Alyja Daphne Santiago, Honey Royse Tubino, Alyssa Valdez at Aiza Maizo-Pontillas. Ang head coach ay si Ramil De Jesus.

Ang Men’s Team naman ay binubuo nina Mark Gil Alfafara, Raffy Monsuela, John Vic de Guzman, Jeffrey Malabanan, Pitrus de Ocampo, Marck Jesus Espejo, Kheeno Franco, Reyson Fuentes, John Paul Torres, Alnakran Abdilla, Jeffrey Labrador, Jayson Ramos, Vincent Raphael Mangulabnan, Jessie Lopez, Sandy Montero, Howard Mojico, Henry Pecaña at Peter Den Mar Torres. Ang head coach ay si Arthur “Odjie” Mamon.

Asam ng Women’s Team na maingat ang puwesto nito sa world ranking na kasalukuyang nasa ika-63 puwesto. Una naman nagtala ng kasaysayan ang Pilipinas matapos na makapagkuwalipika noong 1974 FIVB Women’s Volleyball World Championship.