NASH-Aguas-copy-428x500

NAPAKALAKI ng pagbabago ni Nash Aguas na parang kailan lang ay paslit pang tumatakbu-takbo sa hallway ng ABS-CBN kapag may taping sila ng Goin’ Bulilit. Nalipat siya ng Luv U na kapag nasasalubong namin ay napakatipid ngumiti dahil mahiyain, ordinaryong nagbibinata, one of those ‘ika nga, kaya hindi kami masyadong nag-expect sa launching serye niyang Bagito.

Pero maraming ginulat at pinaiyak si Nash nitong nakaraang Linggo sa 9501 Restaurant sa special press preview ng Bagito (umere na kagabi) dahil napakahusay niyang umarte at bagay na bagay sa kanya ang papel niya bilang high school student na nagkagusto kay Vanessa, isang college girl na hindi naman siya gusto.

Disinuwebe anyos si Vanessa na ginagampanan ni Ella Cruz at katorse naman si Nash.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa istorya ng Bagito, kababata ni Andrew (Nash) si Alexa Ilacad na pumunta ng Amerika kaya’t nabaling ang pagtingin niya kay Vanessa na may kakaibang dating/alindog sa kanya na napansin ng mga kaibigan niya kaya’t lagi siyang tinutukso. 

Palibhasa bagito, madaling matukso, at inakalang pag-ibig ang nararamdaman, kaya sinundan-sundan na ni Andrew si Vanessa na may boyfriend pero palikero at nahuli na naman ng huli na may ibang girlfriend.

Sa sobrang sama ng loob, naglasing si Vanessa na tiyempong dinalaw ni Andrew at nakitang lugmok sa kalasingan kaya inalalayang iakyat sa kuwarto. Pero dahil sa tama ng alak, ang nakikita ni Vanessa kay Andrew ay ang boyfriend niya, hanggang sa may nangyari sa kanila at itinuring iyon ng bagets na simula ng kanilang relasyon at gusto o mahal din siya ng dalaga.

Kasabay ng mga nangyayaring ito ang pamumrublema ng magulang ni Andrew sa kanya dahil lagi siyang nasasabit sa problema dala ng impluwensiya ng barkada.

Nang may mangyari sa kanila ng dalaga ay para siyang high pero nang prangkahin siya na ayaw nito sa kanya ay lagi naman siyang tulala at madalas ginagabi sa pag-uwi. Kaya palagi siyang napapagalitan ng amain na ginagampanan ni Ariel Rivera at guro pa naman sa eskuwelahan niya. Ang pakiramdam ni Andrew ay hindi siya mahal ng kinikilalang ama dahil hindi siya tunay na anak nito.

Anak si Andrew sa pagkadalaga ng nanay niya (Angel Aquino) na nagtitinda ng atsara at labis na nag-aalala sa pangamba na baka gawin din ng anak ang maagang pagkakaroon niya ng anak na hindi naman pinakasalan ng nakabuntis.

Napakasensitibo ng istorya ng Bagito kaya itinanong namin sa taga-Dreamscape Entertainment kung hindi ba sila nagkaproblema sa MTRCB dahil oras ng uwi sa bahay ng mga estudyante galing eskuwelahan ang timeslot nito.

Ayon sa aming kausap, ipi-preview pa lang ito ng MTRCB kahapon ng umaga, hoping na aaprubahan dahil hindi naman negatibo ang istorya kundi magsisilbi pang eye-opener para sa kabataan na likas ang pagiging rebelde sa mga disiplina na ipinasusunod ng magulang.

Maayos ang pagkakalatag sa Bagito ng mga problema ng kabataan – at ng magulang na rin – pati na ang magagandang mensahe. Paliwanag ng head ng creative department ng Dreamscape Entertainment na si Mr. Rondel Lindayag, kumausap sila ng child psychologist mula sa mga organisasyon na kumukupkop sa kabataang nabuntis at marami raw silang natutuhan sa mga kuwentong ibinahagi sa kanila na naging basehan para mabuo ang istorya ng Bagito.

Sa rami ng batang aktor sa ABS-CBN, ay bakit si Nash ang napili ng Dreamscape Entertainment na magbida sa Bagito?

“Hindi naman maipagkakaila na si Nash ang isa sa pinakasikat na batang aktor ngayon. Pagkatapos ng KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla), sila na, eh. Number one, malakas silang dalawa talaga, makikita n’yo naman sa social media.  Makikita n’yo ‘yung maraming fans nila roon at napakasipag din namang sumagot nitong dalawa, personal talaga. At the same time, kahit naman sikat pero kung walang galing, wala rin, eh. Napakahusay naman talaga ni Nash.  

“Sabi ko nga kay Nash, ang galing mo, rushes pa lang ‘yung napanood ko, so ‘yun po, so feeling ko po, enough na po ‘yun at maganda nga ‘yung timing, parang sila (NLex) na ‘yung nauna ngayon sa age nila,” kuwento ni Rondel.

Pero habang binubuo raw ang istorya ng Bagito ay hindi pa naiisip ng Dreamscape bosses kung sino ang gaganap hanggang sa katagalan ay nakita nilang bagay ang papel kay Nash na totoo naman.

Bukod kay Nash Aguas, puring-puri rin si Ella Cruz na napapayag gumanap sa papel sa Bagito kahit kamakailan lang ay napanood sa Aryanna na batang-bata pa siya.

“Very challenging po ‘yung role at very iba sa previous na ginawa ko, at sana po ‘wag naman itong mangyari (sa tunay na buhay) dahil marami pa po akong pangarap. Hindi ko po alam talaga at ayaw kong mangyari ‘yun, grabe, speechless ako.  Hindi ko po hahayaang mangyari ‘yun dahil marami pa akong pangarap sa buhay,” pahayag ni Ella.

Ano naman ang pakiramdam nina Nash at Alexa na sa love team nila ipinagkatiwala ang sensitibong project na ito?

“We’re so blessed,” sabi ni Alexa, “and so happy, like one billion times super happy kasi hindi po namin ini-expect na ganito kagandang project ang ibibigay sa amin. So sobra po kaming nagpapasalamat kasi ibinigay po itong project dahil nakitaan kami ng potential at nakaya naming gampanan ‘yung mga role namin dito.”

“Sobra po akong natuwa kasi ipinagkatiwala po sa akin nina Sir Deo (Endrinal) ang title role na Bagito at the same time sobra po akong kinabahan kasi first time kong magbibida sa isang teleserye,” sabi naman ni Nash. “ So the only way po na maayos po ito ay ayusin ko ang trabaho ko at inaayos ko naman po.”

Sobra ang kaba niya sa eksenang kunwa’y may mangyayari sa kanila ni Ella.

“Sobrang nanginginig po talaga ako, hindi lang po ninyo alam, mas kabado pa po ako kay Ella no’n, seryoso po. Sabi nga po ni Direk (Onat Diaz), trabaho lang naman daw po ‘yun at simula umaga pa lang kinakabahan na po ako at gabi pa (kukunan) ‘yung scene. So, nu’ng na-preview po namin, swak naman ‘yung natural na reaksiyon ko do’n sa reaksiyon ni Drew na kinakabahan ako, ayos na rin,” kuwento ng bagito pero napakahusay na aktor.

Mas gusto nina Nash at Alexa ang Bagito project kaysa sa Inday Bote na shelved na.

“Mas komportable po kami sa drama kumpara sa Inday Bote na rom-com, kilig-kilig po, okay naman po ‘yun, pero mas feel lang po namin ito,” say ng bagitong aktor.

Bukod kina Ariel Rivera at Angel Aquino, kasama rin nina Nash, Ella at Alexa sina Agot Isidro, mga bagets na sina Paolo Santiago, Alex Diaz, at ang member ng sumisikat na boy group na Gimme 5 na sina Joaquin Reyes, John Bermundo, Grae Fernandez, at Brace Arquia mula kuwento ni Ms. Noreen Capili at sa direksiyon nina Onat Diaz at Jojo Saguin.