Nagpunta ako sa tindahang malapit sa aking bahay upang bumili ng mantika. Napansin ko ang isang imahe ng Santo Niño na may dalawa pang electronic na kandila sa harap nito. Nagbigay sa akin iyon ng impresyon na ang may-ari ng tindahan ay madasalin, kung kaya dapat iharap sa publiko ang kanyang dalanginan. Hinahangaan nga ang may-ari ng tindahan na miyembro ng isang religious group at malakas ang tinig kung nagsasabi ito ng “Praise the Lord”. Ngunit may nakapagsabi na ang may-ari ay kilalang sugapa sa sugal, at hindi nagpapasuweldo sa takdang oras sa kanyang mga manggagawa. Hindi natin alam kung anu-ano ang prioridad nito sa buhay, kaya naman hindi dapat tayong humusga.

Kapag waring hindi namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang paniniwala, maaaring isipin nating sila ay mga hipocrito. Ang salitang ‘hypocrito’ ay nagmula sa sinaunang teatrong Greek at lumalarawan sa isang tao na nagsusuot ng maskara.

Ayon sa Mabuting Aklat, sinabi ni Jesus na hindi dapat tayo nagdarasal na parang mga hipocrito. Sa madaling salita, hindi dapat nating gamitin ang pananalangin bilang palabas lamang upang mapahanga ang ibang tao. Ngunit bakit kailangang balaan tayo ni Jesus na huwag manalanging tulad ng mga hipocrito? Kasi alam Niya na ine-enjoy natin ang paghanga ng ibang tao at gagamitin natin ang lahat – pati na ang pananalangin – upang matamo iyon. Alam ni Jesus na mas gusto pa nating magsikap upang matamo ang reputasyon ng pagiging madasalin kaysa aktuwal na magdasal. At nakikita rin tayo ni Jesus kapag sinabi nating ipagdarasal natin ang ating kapwa gayong hindi naman talaga natin sila ipinagdarasal.

Sinabi rin ni Jesus na kapag nagdarasal tayo upang mapahanga ang ibang tao, natanggap na natin ang ating gantimpala—ang kanilang paghanga—ngunit iyon ang gantimpalang walang laman, walang halaga, walang kuwenta. Maaari nating ipagmalaki ang pagdarasal natin sa publiko, na nakaaakit tayo ng ibang tao upang mahimok silang magdasal o ipagyabang ang ating ipinagdasal at tanggapin ang palakpakan ng madla, o maaari rin naman tayong magpunta sa ating lihim na lugar, isara ang pinto, at kausapin ang Diyos. Doon natin matatagpuan ang pinakamagandang gantimpala, hindi ang lumikha ng impresyon upang hangaan ng iba, kundi ang matamo ang presensiya ng Diyos. VVP
National

Ex-Pres. Duterte, muling tinawag na ‘bangag’ si PBBM: ‘Maging ul*l si Marcos…’