Pinangunahan ng mga opisyal ng Senado ang necrological service kay dating Senate President Pro Tempore Juan Flavier kahapon.
Sa isinagawang eulogy, napagpasyahan ng mga senador na nanungkulang kasabay ni Flavier na tawagin siyang “Mister Quorum”.
Sa paglalarawan ni Senator Miriam Defensor-Santiago, si Flavier ang pursigidong magkaroon ng quorum ang mga pagdinig ng mga komite kaya makikita sa kanyang record sa Senado na perfect attendance ito.
Nanungkulan bilang senador si Flavier, na dating kalihim ng Department of Health (DoH) mula 1995 hanggang 2007, kasabay ni Santiago.
“His ways were simple. He had no airs. He was always for the common man. He exuded and laid down the proper values by which all men must live,” paglalarawan sa yumaong senador ni Sen. Sergio Osmeña III.
Sinabi naman ni Senator Loren Legarda na si Flavier ang nagturo sa kanya ng parliamentary procedures noong 1998, ang unang taon niya bilang miyembro ng Mataas na Kapulungan.
Dumalo rin sa necrological service para kay Flavier sina dating Senador Robert Jaworski, Nikki Coseteng, Rene Espina at Aqulino Pimentel Jr.