Hihinto na sa paglalako ng kakanin sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) ang isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na suma-sideline kapag day-off.

Sumikat at nag-trending sa social networking site si Traffic Enforcer 3 (TE3) Fernando Gonzales at binansagang “Kakanin Enforcer” dahil sa pagsusumikap na magkaroon ng extra income. Ang misis niya ang nagluluto nito at siya ang nagtitinda.

Bilang tulong, pinagkalooban si Fernando ni Mayor Oscar Malapitan ng livelihood starter pack at food cart para sa mga paninda nito si Gonzales at scholarship ang panganay niyang anak. Binigyan din siya ng puwesto ng alkalde sa parking lot ng University of Caloocan City-South Caloocan campus.

“Hindi na po ako pagod sa paglalakad kasi stay na ko sa isang lugar, maraming salamat kay Mayor Malapitan,” ani Gonzales.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Napukaw ang atensiyon ng netizens nang bumungad sa social networking site ang litrato ni Gonzales na nagtitinda ng kakanin sa mga motorista habang nakasuot pa ng uniporme at gamit ang motorsiklo ng MMDA.

Ayon kay Gonzales, kinukutya siya ng ilang kasamahan sa kanyang ginagawa ngunit ipinagkikibit-balikat na lamang niya ito dahil para sa pag-aaral ng dalawa niyang anak mapupunta ang kikitain niya sa mga kakanin.

Ikinatwiran niyang day-off naman niya kapag siya naglalako at kaya siya naka-uniporme ay upang maging handa sakaling biglaang ipatawag sa duty.