Sa tulong ng Japanese government, nakumpleto na ang hazard mapping para sa 18 lugar na sinalanta ng super typhoon “Yolanda” na magagamit ng mga komunidad sa paghahanda tuwing may paparating na kalamidad.

Sinabi ni Noriaki Niwa, punong kinatawan ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na mahalaga rin ang hazard map sa isinasagawang rehabilitasyon ng mga bahay at imprastraktura sa 18 lugar na hinagupit ni “Yolanda.”

Ang mga hazard map ang isa sa mga pangunahing isyu na tinalakay sa mga seminar sa Tacloban City kahapon na pangangasiwaan ng JICA at iba pang katuwang na ahensiya nito.

“This is to share the knowledge and experiences of comprehensive planning for creating resilient cities and restoring economic opportunities in affected communities, especially revision of comprehensive land use plan,” pahayag ni Niwa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang hazard map ay binuo base sa mga field survey at scientific analysis ng JICA sa epekto ng storm surge o biglang pagtaas ng dagat, lakas ng hangin at datos sa baha na gagamitin sa pagrerepaso sa comprehensive land use plan ng mga lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga naimbitahan na dumalo sa mga seminar ay ang mga lokal na opisyal ng Guiuan at Basey sa Samar, at Tacloban City, Palo at Tanauan sa Leyte.

“Japan and the Philippines can learn from each other when it comes to disaster management,” ani Niwa.

“We feel it is our shared responsibility to also assist in the swift recovery of affected communities by sharing Japan’s expertise and experiences in disaster risk reduction,” dagdag ni Niwa. - Aaron Recuenco