Inamin ng Department of Health (DOH) na nagkaroon ng breach o paglabag sa quarantine proctocol nang bisitahin nina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Gregorio Catapang Jr. at acting Health Secretary Janet Garin ang 133 Pinoy peacekeeper na pansamantalang inihiwalay sa Caballo Island upang matiyak na wala sa mga ito ang tinamaan ng Ebola virus.

Ayon kay DOH spokesman Dr. Lyndon Lee-Suy, hindi dapat mabahala ang publiko na posibleng mahawa ang dalawang opisyal sa Ebola dahil wala naman aniyang sintomas ng nakamamatay na sakit ang mga peacekeeper na bumalik mula Liberia.

“Sa depinisyon ng quarantine maaari nating sabihin na may na-break na protocol – lalo yung walang puwedeng lumabas o pumasok sa lugar na yun – pero marami tayong puwedeng ikonsidera sa kalagayan ng mga peacekeeper ay wala silang sintomas kaya naging posible ang pagdalaw ng ating mga opisyal,” paliwanag pa ni Suy.

Kasabay nito, iniulat ni Suy na bahagya na ring bumubuti ang kalagayan ng isang Pinoy peackeeper na unang pinaghinalaang tinamaan ng Ebola virus ngunit kinalaunan ay napatunayang positibo lamang ito sa malaria.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Sa kabila naman nito ay nakakaranas pa rin umano ang peacekeeper ng pagtaas-baba ng lagnat kaya mananatili pa ito sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng isa hanggang dalawang linggo hanggang sa tuluyang tumugon ang katawan nito sa gamot kontra sa malaria.

Sinabi rin ni Lee-Suy na nasa ordinaryong isolation room na lamang ang peacekeeper at patuloy na minomonitor ang kalagayan.