Pinaiimbestigahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kondisyon sa Reception and Action Center (RAC) sa Maynila matapos kumalat sa social media ang litrato ng isang malnourished at hubo’t hubad na batang lalaki sa loob ng pasilidad.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.na isang fact-finding team ang binuo at inatasan ni DSWD Secretary Corazon Soliman para alamin ang kondisyon sa RAC.
“I will order a fact-finding team to look at the conditions in the Manila Reception Center. We can provide technical assistance to the City of Manila Social Welfare and Development Office,” sabi ni Soliman sa text message kay Coloma hinggil sa usapin.
Ang RAC ay nasa ilalim ng pamamahala ni Manila Social Welfare Department (MSWD) chief Shiela Marie Lacuna-Pangan.
Ayon kay Coloma, nakahandang tumulong ang pambansang pamahalaan sa pamahalaan ng Lungsod ng Maynila upang pabutihin ang mga kondisyon sa Manila Reception Center.
Noong nakalipas na Oktubre 3 ay inilathala ng non-government organization na Bahay Tuluyan ang larawan ng isang napakapayat, maysakit, walang saplot na batang lalaki na nakahiga sa sementadong sahig ng RAC.
Umani ng pagbatikos sa netizens ang naturang larawan dahil sa mistulang “concentration camp” na pamamalakad sa RAC sa halip na maging kanlungan para mapangalagaan at maituwid ang landas ng street children sa lungsod.