INCONVENIENT ● Masidhi ang kampanya ng Department of Tourism upang paangatin ng bilang ng tourist arrivals sa bansa sa susunod na taon. Hindi naman maipagkakaila ang pagbuhos ng mga banyaga sa ating bansa na idinulot na rin ng kanilang pagnanais na makita ang pag-aalburoto ng Mayon Volcano. Maaaring may katuwang ang DOT sa kampanya sa ibang bansa, may mga flier o advertisement na hihimok sa mga puti, itim, dilaw, at iba pang lahi na bumisita sa Pilipinas upang maranasan ang kakaibang pakiramdam at kasiyahan sa kapiraso ng langit na ito na tinatawag nating Pilipinas.

“Visit the Philippines” anang DOT sa daigdig, ngunit sa paglapag ng eroplano sa mga pangunahing paliparan ng ating bansa, ano ang tatambad sa kanila? Matinding trapik! Uulitin ko, matinding trapik! Mabuti kung sa madaling araw sila mamamasyal sa Intramuros o saan man sa Metro Manila kung saan walang gaanong trapik, pero hindi ganoong oras ang pamamasyal. Mauubos lamang ang kanilang mahahalagang oras sa panghihinguto sa loob ng taxi dahil sa matinding trapik. Maaari silang bumisita sa Pilipinas ngunit dahil sa mararanasan nilang mala-impiyernong trapik, babalik pa kaya sila? Pipilitin nating pumunta rito rito ang mga banyaga, pero pahihirapan lamang natin sila dahil sa matinding trapik. Sorry for the inconvenience.

***

NAKAWAN SA PARAISO ● Okay, nagawa nga nating papuntahin ang mga banyaga sa Pilipinas at namasyal na nga sila, tiniis ang matinding trapik. At habang ine-enjoy nila ang magagandang tanawin at ang pagtatampisaw sa beach, biglang nawala ang pitaka ng isang turista. Hayun si turista, parang tanga sa kahahanap ng kanyang pitaka. Kaya iniutos ng Malacañang ang pagbabantay sa mga turista, lalo na sa Boracay kung saan laganap ang mga nakawan. May ilan kasi tayong mga kababayan na sa ganitong papalapit ang Pasko at kung summer din ay inaatake sila ng sakit – ang pangangati ng kanilang kamay na nagagamot ng pagnanakaw. Nito lamang nakaraang araw, nabiktima ng pagnanakaw ang mga turistang Japanese, Chinese at Belgian na nagbabakasyon sa Boracay, pinasok ng mga kawatan ang kanilang tinutuluyang hotel. Hindi dapat ganito ang pagtrato natin sa mga banyaga. Ang mga turistang ito ang nagkakaloob sa atin ng kumikitang kabuhayan. Sa turismo tayo nakikilala sa buong daigdig.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez