Sinulat at mga larawang kuha ni JOJO RIÑOZA
INUKSAN kamakailan (Oktobre 20-26) ang 2014 Rimat Ti Amianan Expo sa siyudad ng Dagupan, Pangasinan. Kinikilalang ‘Brilliance of the North,’ ang Rimat ti Amianan ay isang linggong selebrasyon ng iba’t ibang aktibidad na pinangungunahan ng Department of Trade and Industry at ng Department of Tourism upang ipakita ang mga natatanging produkto at turismo ng Rehiyon Uno.
Sa temang “Sikat Pinoy piling-piling produkto at tanawin ng Rehiyon Uno,” 74 na exhibitors mula sa apat na probinsiya ng Region 1 at bisitang exhibitors mula sa Cordillera, Rehiyon 2 at Rehiyon 4-A ang nagpakita ng kani-kanilang mga lokal na produkto.
Sari-saring produkto ng Hilagang Luzon ang nabili sa trade fair. Tulad ng handicrafts gawa mula sa kawayan, mga muwebles na gawa sa mga antigong kahoy, mga hinabing ‘abel’ mula sa Abra, at iba pa.
Sagana rin ang mga pagkaing natatangi tulad ng Dagupan Bangus at iba’t iba pang mga pagkaing-dagat. Marami rin ang nakakuha na ng reserbasyon para sa pagtungo sa magagandang tourist destinations.
Ayon kay DOT-R1 Director Martin Valera, layon ng expo na maipakita at tangkilikin ng publiko ang mura ngunit magagandang tourist destination at mga lugar na may natatanging mga pagkain o produkto mula sa Ilokos, La Union at Pangasinan.
“Come and see the treasures of Region 1,” bungad ni Varela sa pagbubukas ng expo.
Ikinatuwa ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang paglulunsad sa lungsod ng Rimat ti Amianan ngayong taon. “Maraming pinto ng oportunidad ang binubuksan nito hindi lang sa lokal kundi maging sa komunidad ng ASEAN,” sabi niya.