Matapos ihayag ang itinerary ni Pope Francis sa pagbisita nito sa Maynila, minamadali na ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon ng Quirino Grandstand sa Luneta Park.
Ayon sa DPWH, target ng kagawaran na makumpleto ang pagkukumpuni sa istruktura bago sumapit ang Disyembre 30.
“Tiwala kaming matatapos ito sa target date,” ayon kay DPWH Undersecretary Romeo Momo, na nangangasiwa sa regional operations ng ahensiya.
Ang proyekto ay ipinatutupad ng DPWH-South Manila Engineering District at bahagi ng rehabilitasyon ang pagpipintura ng istruktura, pagpapaganda sa mga silid at pagsasaayos ng mga kisame na tumutulo tuwing umuulan.
Magdaraos ng misa ang Papa sa Rizal Park dakong 3:30 ng hapon sa Enero 18, 2015.
Mahigit 2,100 pari ang poposisyon sa north at south wing ng grandstand na may kapasidad na 1,050 bawat isa.
May dalawang holding area sa ibaba ng entablado—isa para kay Pangulong Benigno S. Aquino III at ang isa pa para kay Pope Francis.
“Maglalagay kami ng 500 detachable seat sa grandstand,” ayon kay DPWH District Engineer Mike Macud.
Magtatayo rin ang DPWH sa kanang bahagi ng Quirino Grandstand ng isang platform para sa media at sa tabi ng mga mamamahayag ang mga choir member na magtatanghal sa misa.
Ang parking area malapit sa Manila Ocean Park ang magsisilbing helipad.