Hinubaran ng titulo ng Quezon City ang tatlong sunod na kampeon na Baguio City sa pagtatapos kahapon ng 2014 Batang Pinoy Luzon Qualifying leg sa Jessie Robredo Coliseum sa Naga City, Camarines Sur.

Kinubra ng mga atleta na mula sa Big City ang kabuuang 48 ginto, 36 pilak at 31 tansong medalya upang angkinin ang prestihiyosong korona sa grassroots sports development program para sa mga batang may edad 15 pababa ng Philippine Sports Commission (PSC).

Pinilit ng Baguio City na muling isagawa ang huling pagatake sa huling araw subalit kinapos ito sa kinakailangang 10 gintong medalya upang magkasya lamang sa ikalawang puwesto sa nahablot na 38 ginto, 32 pilak at 35 tansong medalya.

Pumangatlo ang probinsiya ng Pangasinan na may 30 ginto, 24 pilak at 42 tansong medalya habang nahulog sa ikaapat ang Muntinlupa City na may 27 ginto, 13 pilak at 23 tanso. Ikalima ang probinsiya ng Laguna sa naitalang 20 ginto, 24 pilak at 26 tanso.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ikaanim naman ang papaangat na Dasmarinas City, Cavite (17-14-13), kasunod ang Taguig City (11-15-26) habang ikawalo ang Mandaluyong City (11-4-5). Nasa ikasiyam na puwesto ang Sta. Rosa City, Laguna (9-4-12) at ikasampu ang Paranaque City na may 9-4-3.

Nagpasalamat naman si Naga City First Lady Farah Bongat, na iprinisinta ang asawa na si Mayor John Bongat, sa lahat ng lumahok sa isang linggong kumpetisyon.

Ito ang ikalawang pagkakataon na naging punong-abala ang siyudad sa prestihiyosong torneo.

“We are very, very happy for the 2nd time that we are granted the hosting of Batang Pinoy,” pahayag ng Naga City first lady.

“In behalf of the Mayor, we are glad to say that the city is open not just for more Batang Pinoy but also for more local and international tournament,” sinabi pa nito matapos panoorin ang buong kompetisyon ng cheerleading.

Ikinatuwa naman ni Batang Pinoy project director at PSC Games secretariat chief Atty. Jay Alano ang naging matinding kompetisyon sa mga local government units kung saan ay hindi lamang ang PSC ang nabebenepisyuhan kundi na rin ang national sports associations at ang mga kabataang atleta.

“Marami ang nagpapasalamat sa amin at nagsasabi na sana ay huwag alisin ang Batang Pinoy kahit magpalit pa ng mga pinuno dahil maraming natutulungan hindi lamang ang mga kabataan kundi na rin ang mga magulang at ang iba’t ibang institusyon na tulad ng ipiniprisinta nilang eskuwelahan at LGU’s,” masayang sinabi ni Alano.

Hindi rin matatawaran ang suporta ng iba’t ibang local government units na tulad ng Olongapo City na nagpadala ng kanilang sariling medical team at sariling mga bus at coaster na tulad ng Dasmariñas City, Taguig, Muntinlupa at Quezon City upang suportahan ang kanilang mga kabataang atleta.