BRISBANE, Australia (AFP) – Nangako ang pinakamakakapangyarihang ekonomiya sa mundo “[to] extinguish” ang epidemya ng Ebola na nakaaapekto sa kanlurang Africa, habang patuloy na nagsisikap ang Mali na maiwasan ang panibagong outbreak ng nakamamatay na sakit.

Bagamat may ilang magagandang senyales mula sa Africa—kasunod nang pagbawi ng Liberia sa state of emergency nito at pagkumpirma ng DR Congo na nagtapos na ang sarili nitong outbreak ng Ebola—ang pagkamatay sa sakit ng tatlong katao sa Mali ay nagpatindi ng pangamba na may bagong hotspot ang virus.

Habang abala ang mga pinakasikat na musician sa recording ng bagong awiting “Band Aid” sa London upang makatulong sa pagsugpo sa sakit na pumatay na sa mahigit 5,100 katao sa Guinea, Liberia at Sierra Leone, hindi nagbigay ng bagong pledges ng halaga ang mga global leader nang magpulong sila sa Brisbane.

“G20 members are committed to do what is necessary to ensure the international effort can extinguish the outbreak and address its medium-term economic and humanitarian costs,” saad sa pahayag ng mga leader ng pinakamaiimpluwensiyang bansa, kasabay ng papuri nila sa inisyatibo ng International Monetary Fund na maglabas ng $300 million upang tuluyang masugpo ang Ebola.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang hinimok ni UN Secretary-General Ban Ki-moon ang “G20 countries to step up”, nagbabala ang nakaaabalang epekto ng Ebola sa pagsasaka ay maaaring magbunsod ng krisis sa pagkain para sa milyun-milyong katao.

Isa ring pinag-isang petisyon ng mga aid group na kinabibilangan ng Oxfam at Save the Children ang humikayat sa G20 na magkaisa upang matiyak na sapat ang pondo sa larangan ng mga tauhan, gamit at gamot.

Walang tiyak na lunas sa Ebola, isa sa pinakanakamamatay na pathogens na naikakakalat sa pamamagitan ng mga likido sa katawan, ngunit inihayag noong nakaraang linggo sa kanlurang Africa at Canada ang mga resulta ng trials sa mga posibleng lunas sa sakit.

Sinabi ng World Health Organization noong Nobyembre 14 na 5,177 katao ang namatay sa Ebola sa walong bansa, mula sa kabuuang 14,413 dinapuan ng virus simula noong Disyembre 2013.