Ni ALI G. MACABALANG
COTABATO CITY – Mahigit 13,000 bata sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang sabay-sabay na magpapalipad ng saranggola sa mga itinalagang lugar sa Nobyembre 25 upang igiit ang kanilang paninindigan laban sa karahasan at armadong paglalaban—at makapagtala ng Guinness world record.
Inorganisa ng Department of Education (DepED) ng ARMM, sa pakikipagtulungan sa Coordinating and Development Office ng Bangsamoro Youth Affairs (CDO-BYA), ang event upang tulungang maibalik sa mga bata ang “almost extinct” nang karanasan sa pagpapalipad ng saranggola kasabay ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng ARMM.
Suportado rin ang event ng Young Moro Professionals Network (YMPN), Anak Mindanao (AMIN) Party-list, at Coalition of Organization for Reform and Empowerment (CORE-ARMM), ayon kay Leah Tarhata Mehila.
Sinabi ni Mehila, coordinator at secretariat ng YMPN, na ang “Kites for Peace” sa ARMM ay isang collaborative activity na magpapaabot ng mensahe ng kapayapaan, partikular mula sa pinakamahinang sektor sa mga lugar na may labanan—ang mga bata—at hinihimok ang kabataan na isulong at ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa iba’t ibang paraan.
“We also wish to set up a new record as to the most number of children who will fly kites simultaneously and surpass the Guinness World Record holder, Gaza, Palestine, with 13,000 kids in 2011,” ani Mehila.
Pangungunahan ni ARMM Governor Mujiv Hataman ang pagpapalipad ng saranggola sa ARMM compound sa lungsod na ito kasabay ng paglulunsad ng Mindanao Week of Peace, ayon sa Bureau of Public Information (BPI) ng rehiyon.
Kasabay nito, magpapalipad din ng saranggola ang mga bata sa mga eskuwelahan, kabilang ang Mindanao State University oval sa Marawi City, Lanao del Sur; DepEd oval sa Tawi-tawi; kapitolyo ng Sulu; Lamitan National High School campus sa Basilan; at MSU-Dalican sa Maguindanao, anang BPI.
Iniutos ng DepEd-ARMM ang pakikibahagi sa aktibidad ng 2,000 pampublikong paaralang elementarya sa rehiyon, na nakatakdang palitan ng bagong geo-political entity na tatawaging Bangsamoro, alinsunod sa kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).